386 total views
Kapanalig, ang imprastraktura ay mahalaga sa pag-unlad ng bansa. Ito ay ang mga batayang pisikal na struktura at pasilidad gaya ng mga gusali, kalsada, at tulay, na kailangan ng lipunan. Bahagi ito ng building blocks ng ating pag-unlad.
Sa ating bansa, mahalaga ang maayos na imprastuktura. Nakita natin ang epekto ng kakulangan nito ng hindi makahabol ang lawak at dami ng mga kalye sa dami rin ng mga tao at behikulong nagkukumpol sa ating mga pangunahing kalsada. Nagkabuhol-buhol ang trapiko, at ayon sa isang pag-aaral, magdudulot ito ng anim na bilyong traffic costs kada araw pagdating ng 2030 kung walang magbabago. Kaya nga’t tyempo talaga ang Build Build Build Program ng bansa.
Mainam na rin kapanalig, lalo na patapos ang rehimeng Duterte, na tingnan natin kung paano pa mas mapapaganda at mapapalawak ang naumpisahan ng mga nakalipas at kasalukuyang administrasyon. Tuloy tuloy dapat ang progress, kapanalig, pagdating sa imprastraktura.
Isa sa mga dapat pag-tuunan natin ng pansin kapanalig ay ang pagiging inklusibo at maka-kalikasan ng ating mga imprastraktura. Kadalasan, gawa tayo ng gawa ng mga kalsada na karaniwan ay may mga sasakyan at may-ari nito lamang ang nakikinabang. Maliban sa nagdudulot ito ng noise at air pollution, pina-pasikip din nito ang ating mga lansangan, habang iniitsa-pwera ang mga naglalakad lamang. Nararapat din na tayo ay magbigay ng mas malaking puwang para sa mga pedestrians at bikers. Gawin din nating kaaya-aya at ligtas ang ating mga lansangan para sa kanila.
Isa pa nating kailangang bigyang atensyon ay ang pagpapalawig ng imprastraktura sa ating mga lalawigan. Mas kailangan ito ng mga nasa bayan-bayan at kanayunan ng ating bansa upang mas maabot ng marami ang mga batayang serbisyo ng bayan pati na ang mga oportunidad na nagbubukas ngayon sa iba’t ibang merkado. Marami ng pag-aaral ang nagpapakita sa atin na kapag maayos ang rural infrastructure, mas bumubuti ang agricultural productivity.
Kasama rin sa imprastraktura kapanalig, ay ang digital connection ng ating bayan. Hindi natin maitatanggi na ang internet ay bahagi na ng ating buhay, at ang kawalan ng access nito ay kawalan din ng access sa mga batayang serbisyo gaya ng edukasyon, kalusugan, at maging sa oportunidad para sa trabaho. Malayo pa ang kailangan nating bunuin.
Kapanalig, ayon sa Catholic Social Teachings, mula sa Evangelium Vitae, niyayakag tayo ng Espiritu Santo na maging “attentive” o mapagmalasakit sa kapwa. Kailangan natin isaalang- alang hindi lamang ang nakakabubuti sa atin, kundi ang nakakabubuti sa lahat, lalo na sa maralita. Maari nating maipakita ang pakikiisa na ito sa paniniguro na ang ating imprastraktura ay tunay na para sa ikabubuti ng lahat.
Sumainyo ang Katotohanan.