302 total views
Kapanalig, ang inklusibong kaunlaran o inclusive growth ay lagi nating naririnig, pero hindi masyado nararamdaman o nauunawaan. Ano nga ba ito at gaano ba ito kahalaga sa para sa atin?
Ang inclusive growth kapanalig ay economic growth na patas na naibabahagi sa lipunan. Ito ay naglilikha ng oportunidad para sa lahat. Sa ating bansa, malaking hamon pa rin ang inklusibong kaunlaran – marami pa ring sektor sa ating lipunan ang naiiwanan, masakit man sabihin, sa kangkungan.
Tingnan na lang natin ang isang sektor sa ating bayan, ang senior citizens. Iniisip natin na pagdating ng panahon ng ating retirement, makakapag-enjoy na tayo sa buhay. Tapos na ang trabaho, at marami na tayong oras para maglibang. Pero hindi ganito ang kwento ng maraming Filipino.
Sa hirap ng buhay, marami pa rin sa ating senior citizens ang nais pa ring magtrabaho kahit 65 o mahigit na sila. Kapanalig, 65 ang compulsory age of retirement sa atin. May panukala nga ngayon na nakahain sa kamara na nagsasabi na tanggalin na ito. Ayon dito, marami pang senior citizens sa ating bansa ang malakas pa ang pangangatawan at matalas pa ang pag-iisip. Marami na ring trabaho ngayon sa ating panahon ang walang age ceiling. Ang pagbibigay pagkakataon sa senior citizens na magtrabaho ay isang senyales na wala tayong diskriminasyon pagdating sa edad.
Mainam ang panukala na ito para sa maraming seniors dahil matapos ang trabaho, ang hinaharap nila ay maliit na pension lamang sa ating bansa. Liliit ang kanilang kita, at hihilahin nito ang kalidad ng kanilang buhay. May mga seniors pa nga na nasa impormal na sektor kung saan wala silang social protection, wala pang inaasahang pension. Kapag tumigil sila sa kanilang trabaho, wala na talaga silang maasahang income.
Sana’y mabigyan natin ng sapat na pagkakataon ang mga seniors sa ating bansa para mapabuti pa ang kanilang karera, lalo pa’t parami na ng parami ang bilang ng mga seniors sa ating bansa ngayon. Tinatayang 8.6% na ng ating populasyon ang mga seniors nitong 2020, at maaaring umabot ito ng 16.5% pagdating ng 2050. Sayang ang kanilang dunong at kasanayan kung ipagkakait natin sa kanila ang mga oportunidad na kaya nilang tugunan.
Ang kakulangan sa oportunidad pati pension ng ating mga seniors ay isang halimbawa ng hindi pantay-pantay na kaunlaran sa lipunan. Pagkatapos nila mag-ambag sa kaban ng bayan, maiiwanan silang walang-wala sa kalaunan. Hindi ito inclusive growth kapanalig. Kailangan natin itong pagbigyan pansin at tugon.
Binibigyang halaga at respeto ng ating Simbahan ang mga senior citizens sa ating lipunan. Para nga kay Pope Francis, ang senior citizens na gaya niya ang mga “artisans of the revolution of tenderness.” Ayon sa kanyang mensahe nitong nakaraang World Day for Grandparents and the Elderly, Old age is no time to give up and lower the sails, but a season of enduring fruitfulness; a new mission awaits us and bids us look to the future.”
Sumainyo ang Katotohanan.