203 total views
Kapanalig, ilang oras na lamang, bagong taon na. Ano ba ng aasahan natin ngayong 2017.
Kung datos aang pagbabasehan, maganda pa rin naman ang hinaharap ng ating bansa kahit pa tumataas ang bilang ng mga extra judicial killings sa bansa.
Base sa datos ng Philippine Statistical Authority (PSA), nasa 95.3% ang employment rate ng bansa, habang ang labor force participation rate naman natin aay 63.6%. Sa kabuuan, base datos ng PSA, nasa 68.7 million naman ang ating labor force population. Ang mga manggagawa sa service sector ang pinakamarami. Binubuo nila ang 54.9%. 27.9% naman ng ating manggagawa ay mula sa sektor ng agrikultura.
Lahat ng ito ay magandang balita dahil trabaho ang pangunahing pangangailangan ng mamamayan. Kaya lamang, huwag nating kalimutan na maging “inclusive.”
Sa ating mga labor markets, isyu pa rin ang usaping gender. Isa ring isyu ang edad. Ang kasarian at edad ay nagiging balakid para sa marami.
Ayon nga sa isang pagsusuri ng Asian Development Bank (Gender Equality in the Labor Force Market in the Philippines), masyadong matingkad ang tinatawag na domestic labor o house work sa ating bansa. Sa ating bayan, babae ang may pangunahing responsibilidad sa house work o trabahong bahay at pag-aalaga ng bata kahit may trabaho rin siya.
Siyemmpre, pagdating sa edad, mas matingkad ang ating pag-aalinlangan sa trabaho. Iniisip natin na mas mahina sila at hindi nila kaya. Ngunit base sa isang pag-aaral mula sa Philippine Institute for Development Studies (PIDS), marami pa ring mga elderly ang nagtatrabaho at nais magtrabaho.
Ang dalawang balakid na ito ay malalampasan sa tulong ng polisiya- mga polisiya na magtatag ng enabling environment para sa mas malayang at mas mabungang partisipasyon ng kababaihan at elderly sa ating labor force.
Ang panlipunang turo ng Simbahan ay may maliwanag na gabay sa ating lahat, sa pamamagitan ng Mater et Magistra: Ang katarungan ay hindi lamang makikita sa pagbabahagi ng yaman. Makikita rin ito sa pagsasa-alang-alang ng kondisyon ng mga indibidwal kung saan sila kalahok sa produktibong gawain o trabaho. Kailangan ng tao na magkaroon ng pagkakataon na makibahagi sa mga gawaing produktibo upang maabot nila ang kaganapan ng kanilang pagkatao.