210 total views
Maraming mga Filipino ang hindi pa kumpiyansa magpabakuna sa ating bansa. Ayon sa isang survey ng Social Weather Stations noong Mayo 2021, tatlo sa sampung Filipino lamang ang “willing” o payag magpa-bakuna. Ang pangunahing rason kung bakit ayaw ng marami ay takot sa maaring maging side effects nito.
Ang tugon ng ating pangulo sa isyung ito ay ang pagbabanta ng pag-aresto sa mga mamamayang hindi magpapakuna.
Nauunawaan natin ang matinding pagnanais ng pangulo na mabakanuhan ang mga Filipino upang tuluyan ng matapos ang pandemyang ito. Ngunit may ibang paraan, maliban sa pananakot at parusa, upang mapasunod ang mga mamamayan. Ayon nga sa Quadregisimo Anno, “The function of the rulers of the State is to watch over the community and its parts… and protect individuals and their rights.
Unang-una, maari pa nating paigtingin ang mga information dissemination ukol sa bakuna sa mga komunidad upang mas maraming mga mamamayan ang maka-alam ukol sa benepisyo nito. Sa halip na paikutin ang mga kapitan upang magbanta ng pag-aaresto kapag hindi magpakuna, maari silang paikutin upang makapagbigay ng impormasyon ukol iba’t ibang uri ng bakuna na available sa bansa. Makakatulong din ito sa rehistrasyon ng mga mamamayan – maari sila mismo ang mag-skedyul ng bakuna para sa tao dahil hindi naman lahat ay may internet para sa online vaccine registration.
Maari ring makipag-partner sa mga pribadong sektor at LGUs upang mas marami ang maabot ng vaccination program ng pamahalaan. Maaring sa tulong ng mga private at public groups, maabot ng pamahalaan ang mga miyembro ng impormal na sektor, gaya ng mga tindera sa palengke o mga naglalako sa kalye na hindi makakaliban ng trabaho para sa bakuna.
Ilan lamang ito sa mga alternatibo na maaring subukan ng pamahalaan para mabakunahan ang mas maraming mga mamamayan. Hindi mainam na solusyon kahit kailan ang pananakot pa sa mga mamamayang takot na – sa halip na makatulong, lalo pa itong makakagulo. Maayos na ang daloy ng pagbabakuna ng mga mamamayan sa mga LGUs, kailangan na lamang, matulungan sila sa suplay ng bakuna at pagyakag sa mga tao. Kailangan ng mga tao ngayon, insentibo at tulong, hindi parusa.
Sumainyo ang Katotohanan.