369 total views
Pangungunahan ni Puerto Princesa Palawan Bishop Socrates Mesiona ang pagtatalaga kay Bishop Broderick Pabillo bilang pinunong pastol ng Apostolic Vicariate ng Taytay Palawan.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Pabillo ibinahagi nitong limitado ang mga dadalo sa gagawing installation sa August 19, 2021 bilang pagsunod sa alituntunin ng community quarantine restrictions at pag-iingat sa coronavirus.
“Ang mag-install sa akin ay si Bishop Socrates Mesiona of Puerto Princesa, Bishop Edgardo Juanich will also be here. So basically, it is an all Palawan team,” bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo.
Nakatakdang pangungunahan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang pagtatalaga kay Bishop Pabillo subalit nagkaroon ng pagbabago bunsod ng pag-iral ng Enhanced Community Quarantine sa National Capital Region dahilan upang hindi makadalo si Cardinal Advincula sa installation.
Bukod kay Cardinal Advincula hindi rin makadadalo si Papal Nuncio Archbishop Charles Brown dahil sa travel restrictions.
Gaganapin ang installation ni Bishop Pabillo sa St. Joseph Cathedral alas- nuwebe ng umaga na matutunghayan sa Radyo Veritas Ph Facebook page at mapakikinggan sa Radio Veritas 846.
Agosto 5 ng dumating si Bishop Pabillo sa Taytay Palawan na sinalubong ng mananampalataya sa lugar na nasasabik sa pagdating ng kanilang bagong obispo makaraang maging sede vacante ang bikaryato ng mahigit sa tatlong taon makaraang magretiro si Bishop Juanich dahil sa usaping pangkalusugan.
Kasalukuyang sumailalim sa 7-day mandatory quarantine si Bishop Pabillo habang patuloy na naghahanda ang bikaryato sa installation day sa susunod na linggo.