320 total views
Ibinahagi ng Apostolic Vicariate ng Taytay, Palawan na itinakda sa Agosto 19, 2021 ang pagtatalaga kay Bishop Broderick Pabillo bilang bagong pinuno ng bikaryato.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Fr. Rey Aguanta, ang kasalukuyang tagapangasiwa ng Apostolic Vicariate, sinabi nitong patuloy ang paghahanda ng bikaryato lalo’t marami ang kinokonsidera dahil sa kasalukuyang sitwasyon bunsod ng COVID-19 pandemic.
“Nagmi-meeting pa rin kami mga pari pero ang baseline po natin sa August 19 ang installation sa St. Joseph Cathedral,” bahagi ng pahayag ni Fr. Aguanta sa Radio Veritas.
Ayon pa sa pari, patuloy ang kanilang koordinasyon sa lokal na pamahalaan para paghandaan ang pagdating ng mga panauhin na nais makiisa at dumalo sa pagtatalaga kay Bishop Pabillo.
Alas nuwebe ng umaga sa August 19 ang inisyal na napagkausunduang petsa at oras ng pagtatalaga sa St. Joseph the Worker Cathedral sa Taytay Palawan.
Sa hiwalay na panayam ng himpilam kay Bishop Pabillo, ibinahagi nitong sa ikalawang linggo ng Agosto ay tutungo na ito sa Palawan upang paghandaan at makipagkita sa mga pari ng bikaryato.
Tiniyak naman ng Apostolic Vicariate ang mahigpit na pagsunod sa mga safety health protocol upang mapanatili ang kaligtasang pangkalusugan ng mga dadalo sa pagluklok ng bagong obispo ng Taytay Palawan.
Matatandaang Hunyo 29 kasabay ng pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo at pagdiriwang ng Popes Day ay inanunsyo ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown ang appointment ni Bishop Pabillo bilang Apostolic Vicar ng Taytay Palawan na sede vacante mula pa noong 2018.
Bukod kay Bishop Pabillo, itinalaga rin si Msgr. Noel Pedregosa bilang Obispo naman ng Malaybalay.
Sa kasalukuyan apat pa rin ang bakante sa bansa ang Archdiocese ng Capiz, Diocese ng Alaminos, Apostolic Vicariate ng San Jose Mindoro at Apostolic Vicariate ng Calapan na pansamantalang pinangasiwaan ni Fr. Nestor Adalia mula pa noong 2018 dahil sa karamdaman ni Bishop Warlito Cajandig.