58,693 total views
Mga Kapanalig, hinatulang guilty ng Tagum City Regional Trial Court sa kasong child abuse ang labintatlong human rights defenders, kasama sina dating Congressman Satur Ocampo at kasalukuyang ACT Teachers partylist representative France Castro. Inilagay daw nila sa panganib ang buhay ng labing-apat na estudyanteng Lumad sa isang “rescue mission” na isinagawa nila noong 2018. Napawalang-sala naman ang apat na pastor na tumulong din sa rescue mission.
Tugon ang naturang rescue mission sa panawagan ng mga guro sa isang Lumad school sa Barangay Palma Gil sa bayan ng Talaingod sa Davao del Norte. Ipinasara ng mga lider ng tribo ang Lumad school bilang pagsunod sa utos ng militar. Pinaalis din ang mga guro. Kasama nilang umalis ang labing-apat na batang Lumad na noon ay sumasailalim sa isang learning exchange program. Matapos ang halos tatlong oras na paglalakad ng mga guro at mga bata, sinundo sila ng grupo nina Ocampo at Castro at isinakay sa isang van.
Ayon sa mga sundalo, inaretso ang mga nag-rescue dahil walang permiso o consent ng mga magulang ng mga bata ang pagsama sa kanila ng mga guro. May mga magulang ding nagreklamo. Paliwanag naman ni Bayan Muna representative Carlos Zarate, imposible na ang magpaalam sa mga magulang dahil maituturing emergency situation ang biglaang pagsasara sa paaralan. Wala daw kidnapping, human trafficking, at child abuse na nangyari. Dapat pa nga raw papurihan ang mga guro at human rights defenders dahil iniligtas nila ang mga bata. Ani ACT Teachers partylist representative Castro, sobra-sobra ang panggigipit sa mga paaralan ng Lumad. Pinipigilan daw ng mga paramilitary groups ang pagpasok sa mga paaralang ito ng pagkain para sa mga guro at estudyante. May mga banta rin sa kanilang kaligtasan.
Giit naman ng Tagum City RTC, inilagay ng mga nahatulan sa peligro ang kaligtasan ng mga bata. Maaari daw naaksidente o naipit sa girian ng mga sundalo at mga rebeldeng grupo ang mga bata. Para naman sa mga nahatulan, hindi patas ang naging desisyon ng RTC. Patunay daw ito ng panggigipit sa mga nagtataguyod sa karapatan ng mga batang Lumad at mga tumutulong sa mga paaralan at komunidad ng mga kapatid nating katutubo.
Binibigyang-diin sa mga panlipunang turo ng Simbahan ang paggalang sa dignidad ng mga bata. Kaakibat ng pagkilala sa kanilang dignidad ay ang pagprotekta sa kanilang mga karapatan. Mabigat ang papel ng pamahalaan at mga pamilya sa pagsigurong naitataguyod ang dignidad at karaparatan ng lahat ng bata. Sila ang ating kinabukasan, ang pag-asa ng ating mga pamilya, komunidad, bayan, at maging ng Simbahan. Sa kasamaang palad, maraming bata sa ating panahon ang biktima ng mararahas at makasalanang mga kalagayan na yumuyurak sa kanilang dignidad—katulad ng militarisasyon sa kanayunan. Dahil rito, nananawagan din ang ating Simbahan na tuldukan na ang lahat ng uri ng karahasan at kasamaang bumibiktima sa mga bata.
Ang pagkakaipit ng mga batang Lumad sa gitna ng girian ng mga sundalo, paramilitary groups, at mga rebeldeng grupo ay nakasasamâ sa kanilang kabutihan at kapakanan. Hindi magiging problema ang pag-rescue sa mga batang Lumad kung una sa lahat ay mayroon silang maayos at ligtas na kapaligiran para makapag-aral. Totoong hindi ligtas para sa mga batang Lumad ang palakarin sila nang malayo at ibiyahe papalayo sa ipinasarang paaralan, pero isaaalang-alang din natin ang ugat ng isyung humantong sa hakbang na iyon ng kanilang mga guro at mga sumaklolo sa kanila.
Mga Kapanalig, walang batang dapat lumaki sa isang lipunang punô ng karahasan at walang katarungan. Katulad ng paalala sa Mga Awit 127:3, “Kaloob ng Diyos ang mga bata,” kaya lagi nating unahin ang kanilang kabutihan at kapakanan.
Sumainyo ang katotohanan.