170 total views
Isang taon makaraan ang sagupaan sa pagitan ng mga sundalo at teroristang grupo na Maute-Isis, isang interfaith prayer ang isasagawa sa Marawi City sa ika-23 ng Mayo bilang pagkilala at pag-alaala sa mga nasawi.
Ang pagtitipon ayon kay Marawi Bishop Edwin Dela Peña ay inorganisa ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process na dadaluhan ng mga mga residente ng lungsod, Kristyano man at mga Muslim.
“We will give fitting tribute to all those who lost their lives… some of those who offered their lives so that we could be free we could enjoy our freedom now,” ayon kay Bishop Dela Peña.
Isasagawa ang pagdiriwang sa Marawi provincial gymnasium, alas-9 ng umaga na inaasahang dadaluhan ni Peace Process Secretary Jesus Dureza.
Si Bishop Dela Peña ang siyang magiging kinatawan ng mga kristiyano para pangunahan ang panalangin para sa mga yumao.
Bukod sa Parochial Vicar na si Fr. Chito Soganub, apat manggagawa ng St. Mary’s Cathedral ang dinukot ng mga terorista kung saan ang dalawa sa mga ito ang nasawi sa digmaan.
Sa higit 1,000 katao na nasawi sa limang buwang digmaan, higit sa dalawang daan katao ay pawang mga pulis, sundalo at mga sibilyan.
May 2017 nang salakayin ng mga terorista ang Islamic City ng Marawi na ang pangunahing sinira ay ang St. Mary’s Cathedral.
Higit sa 300 libo katao o buong populasyon ng lungsod ang nagsilikas dahil sa kaguluhan na ang ilan ay hanggang ngayo’y naninirahan sa mga transitional houses na inilaan ng pamahalaan at sa kanilang mga kamag-anak sa karatig lalawigan.
Una na ring binigyan diin ni Pope Francis sa kaniyang mga mensahe na kailan man ay hindi makatwiran ang digmaan at karahasan dahil sa dulot nito ay kamatayan at pagkasira ng lipunan.