437 total views
Pinangunahan ng Archdiocese of Cagayan de Oro ang pag-aalay ng Interfaith Prayer Service para sa mga biktima at kapamilya ng naganap na trahedya ng pagbagsak ng C-130 aircraft ng Philippine Air Force (PAF) sa Patikul, Sulu noong ika-4 ng Hulyo, 2021.
Ayon kay Cagayan de Oro Archbishop Jose Cabantan, ang isinagawang Interfaith Prayer Service ay bilang pakikiisa at pakikidalamhati hindi lamang ng Simbahang Katolika kundi maging ng iba’t ibang denominasyon sa mga biktima at naiwang mahal sa buhay ng mga nasawi sa trahedya.
“Our inter-faith prayer is our way of being in solidarity with them [victims and their families] lifting up our prayers, all our sorrows together with them, our grief due to the sudden loss of their loved-ones.” pahayag ni Archbishop Cabantan.
Bukod sa pananalangin para sa ikapapayapa ng kaluluwa ng 53-nasawi sa trahedya ay ipinanalangin rin sa naganap na Interfaith Prayer Service ang katatagan ng mga naiwang mahal sa buhay ng mga nasawi at mabilis na paggaling ng mga nakaligtas.
Ipinaabot rin ni Archbishop Cabantan ang pagpupugay sa lahat ng mga lulan ng bumagsak na military plane na karamihan ay patungo sana sa kanilang unang misyon bilang kawani ng pwersa ng pamahalaan sa Sulu.
“Our Interfaith Prayer Service is our way of expressing our deepest sympathy to the families of our fallen heroes and our prayers also for the eternal repose of those who died and our prayers for those who are still recovering in the hospitals not only physically but also psychologically and emotionally from the trauma that they have experienced.” Dagdag pa ni Archbishop Jose Cabantan.
Naganap ang Interfaith Prayer Service – Prayer’s for our fallen heroes A Tribute to C-130 Plane Crash Victims sa St. Augustine Metropolitan Cathedral sa Cagayan De Oro City na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa iba’t bang relihiyon at denominasyon kabilang na ang Iglesia Filipina Independiente, United Church of Christ in the Philippines, Muslims, Evangelicals at maging kinatawan ng mga Lumads.
Isinagawa ang Interfaith Prayer Service dahil sa pagkakaroon ng magkakaibang relihiyon at pananampalataya ng mga lulan at mga nasawi sa bumagsak na C-130 Hercules cargo plane.
Matapos ang Interfaith Prayer Service ay nag-alay rin ng Banal na Misa ang Archdiocese of Cagayan de Oro para sa lahat ng mga kapamilya at biktima ng naganap na trahedya na pinangunahan ni Archbishop Cabantan.