1,939 total views
Suportado ng Philippine National Police Academy Alumni Association Incorporated (PNPAAAI) ang isinasagawang internal cleansing ng pamahalaan sa hanay ng pulisya sa bansa.
Tiniyak ng PNP-AAAI ang pakikiisa sa layunin na mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa hanay ng P-N-P at lipunan.
“We support the latest Internal Cleansing campaign of the PNP and, thus, respect the decisions of any of its Third Level Police Commissioned Officers, who are PNPA alumni, following their submission of courtesy resignation called for by the [Secretary of the Interior and Local Government] and the [Chief of the] PNP,” pahayag ng PNPAAAI.
Hinihiling din ng kalipunan ng mga retirado at aktibong miyembro ng pulisya na ang inisyatibo ay mas maging epektibo sa pagtugon sa banta ng krimen at droga, maging sa pagpapatatag ng PNP bilang institusyon.
Itinataguyod din ng Philippine Military Academy Alumni Association Incorporated (PMAAAI) ang layunin ng PNP na malunasan ang suliranin ng ilegal na droga sa loob ng ahensya.
Ayon sa PMAAAI, kinikilala at iginagalang nito ang desisyon ni PNP Chief, Police General Rodolfo Azurin, Jr. at iba pang matataas na opisyal sa paghahain ng courtesy resignation kay Interior Secretary Benjamin Abalos, Jr.
“The PMAAAI recognizes the need of this draconian measure and conveys its confidence to the PNP leadership in the processes it will adopt to weed out only the undesirable police scalawags,” pahayag ng grupo.
Aminado naman ang kalipunan na ang kampanya laban sa ilegal na droga ay isang pagsubok na minsa’y nagdudulot ng kabiguan lalo na sa mga dedikadong opisyal ng pulisya.
Nangako naman si PNP Chief Azurin na sisikapin ng hanay ng pulisya na maibalik ang tiwala ng taumbayan sa institusyon, gayundin ang pagtiyak na ang PNP ay kinabibilangan lamang ng mga huwaran at mapagkakatiwalaang miyembro.
Nauna nang nagpahayag ng suporta ang mga opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na sina Military Bishop Oscar Jaime Florencio at Social Action Commission vice chairman San Carlos Bishop Gerardo Alminaza sa layuning malinis ang hanay ng PNP hinggil sa ilegal na droga.