95,611 total views
Mga Kapanalig, ipinagdiriwang natin ngayong araw ang International Day of Education na may temang “learning for lasting peace”. Layunin ng selebrasyong ito na isulong ang paggamit ng tinatawag na transformative education upang makamit ang pangmatagalang kapayapaan. Sa transformative education, natututunan ng mga estudyante ang tungkol sa realidad ng mga isyu sa mundo, ang kanilang mga karapatan, ang importansya ng partisipasyon, sustainable development, at iba pa. Sa ganitong paraan, mas mapahahalagahan nila ang kapayapaan at ang pagkilos tungo rito.
Ngunit gaano ka-transformative ang edukasyon sa ating bansa?
Mainit na usapin kamakailan ang resulta ng Programme for International Student Assessment (o PISA) na isinagawa noong 2022. Lumahok sa assessment na ito ang mga 15 taóng gulang na estudyante kung saan sinukat ang kanilang kasanayan sa problem-solving, critical thinking, at komunikasyon. Sa resulta ng Pilipinas, lumabas na ang kasanayan ng mga estudyante sa mathematics, reading comprehension, at science ay mababa kaysa sa average score ng lahat ng bansang kasali sa PISA. Kung ikukumpara sa ibang mga bansa, ang Pilipinas ay kulelat sa lahat ng subjects na ito.
Upang tugunan ang isyung ito, inatasan ni Pangulong Marcos ang mga opisyales na nakatalaga para sa edukasyon, sa pangunguna ni Vice President Sara Duterte, na bigyang-pansin ang pagpapabuti ng kalidad ng pagtuturo sa mga eskwelahan. Sinimulan ng Department of Education (o DepEd) dalawang linggo na ang nakaraan ang “Catch-Up Fridays”. Layunin nitong paunlarin ang tinatawag na foundational na kakayahan ng mga estudyante. Isinasagawa tuwing umaga ang National Reading Program, at pag-aaral tungkol sa values, health, at peace naman sa hapon, kasabay ng Homeroom Guidance Program.
Ngunit maliban sa mga kakulangan ng ating mga estudyante sa mga hard skills gaya ng kaalaman tungkol sa math at science, malaki ring hamon ang pagpapaunlad ng kanilang mga soft skills. Mahalaga ring mapabuti ang mga soft skills katulad ng critical thinking, open-mindedness, problem-solving, at leadership na tila ba kulang na kulang ngayon. Mas nakatuon na kasi ang atensyon ng marami sa atin—lalo na ang kabataan—sa social media kung saan laganap ang mga content na nakaaaliw lamang.
Kung maayos na nalilinang ang mga hard at soft skills na ito, matututo ang kabataang Pilipino na suriin, punahin, at kuwestiyunin ang mga bagay-bagay, na sa huli, maaari ding makatulong sa pagbuo at pagtuklas nila ng mga bagong kaalaman at kasanayan.
Gayunman, balewala ang mga hard at soft skills na ito kung may problema rin sa kalidad ng pagtuturo sa ating mga eskwelahan. Dagdag pang isyu ang hindi na pagbibigay-pansin sa ating kasaysayan. Talamak pa rin ang historical revisionism na isinasagawa upang baguhin—kung hindi man burahin—ang mga nangyari noong panahon ng batas militar, halimbawa, kung saan malinaw ang paglabag sa mga karapatang pantao. Noong 2023, pinalitan nga ng DepEd sa kurikulum ng Araling Panlipunan ang “diktadurang Marcos” ng “diktadura” na lamang. Kung ang kasaysayan ng ating bansa ay unti-unting babaguhin o buburahin mula sa edukasyon ng mga kabataan, masasabi ba nating transformative ang edukasyong ito? Makatutulong ba ang ganitong edukasyon para pahalagahan nila ang kapayapaan?
Mga Kapanalig, gaya ng sabi sa Mangangaral 7:12, “Ang tulong na magagawa ng karunungan sa tao ay tulad ng magagawa ng salapi. Ang tao’y maililigtas ng kanyang karunungan, at ito ang kabutihan ng kaalaman.” Ang kabutihan ng edukasyon ay makikita rin sa pagtatatag at pagpapanatili ng kapayapaan, at magsisimula ito sa paglago ng mga mag-aaral. Sa Catholic social teaching na Gravissimum educationis, sinasabing ang tunay na edukasyon ay nilalayong buuin ang indibidwal tungo sa ikabubuti ng kanyang sarili at ng kanyang ginagalawang lipunan. Tunay nga namang maraming hamon upang magkaroon ang kabataang Pilipino ng transformative education.
Sumainyo ang katotohanan.