116,254 total views
Mga Kapanalig, ngayon ay International Youth Day o ang Pandaigdigang Araw ng Kabataan. (Iba po ito sa World Youth Day ng ating Simbahan.) Kasabay nito, itinakda ng Republic Act No. 10742 o Sangguniang Kabataan Reform Act of 2015 ang buong linggong ito bilang Linggo ng Kabataan. Layunin ng mga pagdiriwang na itong kilalanin at bigyang-diin ang mahalagang papel ng kabataan sa ating lipunan, lalo na sa pamamahala at pagsusulong ng kaunlaran.
Sa taóng ito, ang tema ng International Youth Day ay “From Clicks to Progress: Youth Digital Pathways for Sustainable Development”. Sa modernong panahon kasi natin ngayon, dapat kilalanin ang malaking kontribusyon ng kabataan sa digitalization o ang sistematikong paggamit ng computers, internet, at iba pang digital technology para makamit ang pangmatagalan at ganap na kaunlaran. Mahalaga ang digital technology sa pagkamit natin ng Sustainable Development Goals (o SDGs). Ayon sa United Nations, ang digital technology ay nakatutulong sa pagkamit ng hindi bababa sa 70% ng 169 SDG targets. Maaari din daw mapababa ng digitalization at mga kaugnay na teknolohiya nito ang mga gastusin natin para maaabot ang SDG targets natin nang halos 55 trilyong dolyar. Sa madaling sabi, kung magagamit nating maigi at nang responsable ang digitalization, mas mapadadali ang pagsusulong ng kaunlaran.
Siyempre, nangunguna sa digitalization ang kabataan na tinaguriang mga “digital natives”. Sa datos noong 2022, mayorya o halos 75% ng kabataan edad 15 hanggang 24 sa buong mundo ay gumagamit ng internet. Isinilang sila sa panahong nakukuha at nalalaman agad ang mga impormasyon sa pamamagitan lamang ng isang click. Mahabang oras din ang ginugugol online. Dahil dito, kabataan ang pinaka-strategic na puwersang maaaring magsulong ng kaunlaran sa pamamagitan ng digitalization.
Gayunpaman, maraming hamon upang magampanan ng kabataan ang mahalagang papel na ito. Nariyan ang hindi pagkakapantay-pantay pagdating sa access sa mga gadgets at internet, lalo na sa mahihirap na bansa kung saan kakaunti sa mga kabataan ang may access sa mga ito. Umiigting pa ang hindi pagkakapantay-pantay pagdating sa kasarian—sa ilang bansa, mas maraming kabataang babae ang walang access sa gadgets at internet. Dagdag pa rito ang mga panganib na dala ng hindi responsableng paggamit ng teknolohiya katulad ng pagkalat ng fake news, online child abuse, at human trafficking.
Naniniwala si Pope Francis na ang internet ay biyaya mula sa Diyos. Sa isang banda, paliwanag niya, nagbibigay ito ng maraming oportunidad para makipagkapwa at makipagkaisa. Sa kabila ng banda naman, maaari din itong maging hadlang sa isang tunay na pakikipag-ugnayan dahil sa pagkakanya-kanya at pagkakaiwan ng ilang sektor, lalo na ng mga walang access sa teknolohiya.
Kaya hamon sa ating mga mananampalatayang siguruhing ginagamit ang internet at digitalization bilang mga instrumento sa pakikipagkaisa o solidarity, isang prinsipyo ng mga panlipunang turo ng Simbahan, at sa pagsusulong ng kaunlaran. Binibigyang-diin ito ng Catholic social teaching na Populorum Progressio: “the reality of human solidarity brings us not only benefits but also obligations.” Lahat tayo ay tinatawag na makibahagi sa kaunlaran at isulong ito nang magkakasama.
Ngayong International Youth Day, kinikilala natin ang lakas ng kabataan sa pakikibahagi nila sa kaunlaran. Dapat silang bigyan ng espasyo para makilahok, ng sapat na access sa gadget at mabilis na internet, at ng proteksyon mula sa fake news at iba pang krimeng kaugnay ng digitalization. Sama-samang tungkulin ang mga ito ng pamahalaan, paaralan, media, mga magulang, at maging ng Simbahan.
Mga Kapanalig, ipinaalala ni Apostol San Pablo sa 1 Timoteo 4:12: “Huwag mong hayaang hamakin ka ng sinuman dahil sa iyong kabataan.” Nawa’y maipagkaloob natin sa kabataan ang ating suporta sa kanilang pagiging mga tagapagsulong ng kaunlaran sa modernong panahon.
Sumainyo ang katotohanan.