44,374 total views
Kapanalig, andito na tayo sa panahon ng digitalization at artificial intelligence. Hindi na dapat tayo babagal bagal at aandap andap sa pagyakap ng ganitong teknolohiya. Tayo ay nasa panibagong industrial revolution na – at ang mahuli, talo.
Pero sa ating bansa, ang access sa internet ay hindi pantay pantay hanggang ngayon. Kaya’t kahit pa marami sa atin ay parte na ng buhay ang internet sa araw araw, meron pa ring mga mamamayan sa ating bayan ang walang koneksyon dito. Hindi pantay ang access sa internet sa ating bayan.
Ayon sa 2020 Census of Population and Housing, 56.1% ng ating mga households o kabayahan ay may internet access o 14.8 milyong households ang nakaka-internet sa 26.38 milyong households sa ating bayan. Mataas man ang bilang na ito, meron pa ring mga 11.6 milyong kabahayan, kapanalig, ang walang access sa Internet.
Mataas ang antas ng internet connection sa ilang mga rehiyon, gaya ng National Capital Region, Region 4A, at Region 3. Pero kapanalig, sa SOCCSKSARGEN, 3.4% lamang ng kabahayan ang may internet, sa CARAGA, 1.8%, at sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), 1.7% lamang ng kabahayan ang may koneksyon. Alam niyo kapanalig, ang huling tatlong rehiyon na ito ay sila ring pinakamataas ang poverty incidence sa mga pamilya sa ating bansa.
Kapanalig, nasabi na noon ni Ramon Magsaysay na “those who have least in resources should have more in law.” Sa ganitong paraan, mabibigyan sila ng mas maraming oportunidad at pagkakataon na makipagsabayan sa mga mas mapalad nating kababayan. Ito ay panlipunang katarungan na dapat nating isinusulong sa ating bansa. Kailangan ng policy reforms na may katapat na budget para magkaroon ng mas malawak na internet access sa mga pinakamahirap na rehiyon ng ating bayan.
Ang access sa Internet, kapanalig, ay hindi lamang isang pribilehiyo. Ito ay maituturing na human right dahil konektado ito sa ating karapatan sa partisipasyon, sa ekspresyon, at sa impormasyon. Kaugnay din ito ng ating karapatan sa edukasyon. Kapag ating hinahadlangan o hinaharangan ang access sa internet, lalo na sa mga lugar na marami ang naghihirap, ninanakaw natin sa kanila ang karapatan at pagkakataon na mag-aral at magtrabaho. Iniiwan natin sila sa pagsulong ng bayan, at pinana-natiling mahirap. Kung tayo ay tunay na Kristiyanong Katoliko, tayo ay naniniwala at nagpapalaganap ng katarungan sa lipunan. Ang kawalan ng access sa internet ng maralita ay hindi makatarungan, kapanalig, kaya’t hindi natin dapat ito pinababayaan.
Sabi nga sa Economic Justice for All ng US Catholic Bishops, “The obligation to provide justice for all means that the poor have the single most urgent economic claim on the conscience of the nation.” Paalala rin ng Centesimus Annus, bahagi ng Panlipunang Turo ng Simbahan, ang pagmamahal sa kapwa, lalo na sa maralita, ay nagiging kongkreto kapag ating sinusulong ang katarungan sa lipunan.
Sumainyo ang Katotohanan.