203 total views
Hinimok ng Obispo ng Marawi ang bawat mananampalataya na tulungan ang kapwa sa kabila ng pagkakaiba ng paniniwala.
Ayon kay Bishop Edwin Dela Peña, incoming chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Inter – Religious Dialogue at pinuno ng Year of Ecumenism,nararapat sama-samang tuklasin ng bawat isa ang biyayang kaloob sa kultura at pananampalatayang taglay ng bawat indibidwal.
“We become mindful of our needs for one another in spite of the differences that we have,” pahayag ni Bishop Dela Peña sa Radio Veritas.
Tiniyak ng Obispo na hindi lamang nakatuon sa iisang grupo ang programa ng Simbahang Katolika kundi sa bawat sektor ng pamayanan upang matiyak na iiral ang pagkakaisa at kapayapaan.
Inihayag ni Bishop dela Pena na nagpahayag ng interes ang mga partner ng simbahan sa pakikipagdayalogo sa mga Muslim at Lumad na kapwa hangad ang pagkakaisa sa bansa.
Binigyang diin ni Bishop Dela Peña na ang mga inihandang programa sa susunod na liturhikal na taon ay nakatuon sa Intra-faith dialouge sa kapwa kristiyanong komunidad, Inter-religious naman sa ibang pananampalataya at ang pakikipagdayalogo sa katutubong pamayanan o ang indigenous people.
“The Church recognizes the importance of ecumenism and dialogue,” ani ni Bishop Dela Peña.
Ang Year of Ecumenism ang isa sa mga paksa sa siyam na taong paghahanda sa ikalimang sentenaryo ng Katolisismo sa Pilipinas kung saan tema nito ang ‘Dialogue towards harmony.’
Magsisimula ito sa unang araw ng Disyembre ang pagpasok ng unang linggo ng Adbiyento at pagbubukas ng liturgical calendar year 2020 ng Simbahang Katolika.
Iginiit ng Obispo ang kahalagahan ng pakikipagkapwa tao sa mabuting pamamaraan upang makamtan ang tunay na kapayapaan sa pamayanan.
“We need to engage with each one of them in a more constructive way to build the peace and making our relationship more humane and harmonious.”