431 total views
Nakagagaling at nakagagaan ang pagkalinga ng mga magkakapatid sa pananampalataya.
Ito ang mensahe ni Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao, chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education kaugnay sa pagdiriwang ng 2022 World Day of the Sick.
Ayon sa Obispo, ipinapaalala nito ang kahalagahan ng pagiging magkakapatid sa pananampalataya na nakahandang tumugon sa mga higit na nangangailangan lalo na ang mga mayroong karamdaman.
Sinab ni Bishop Mangalinao na ang paglalaan ng isang araw bilang paggunita sa mga maysakit ay magandang pagkakataon upang ipadama ang pagkalinga ng isang pamilyang nakahandang umalalay sa anumang pagsubok ng buhay.
“Sa pag-alala natin sa mga maysakit, ating ipinapaalala na tayo ay iisang pamilyang nag-aalaga sa nangangailangan. Sabi nga, ang sakit ng kalingkingan ay ramdam ng buong katawan,” pahayag ni Bishop Mangalinao sa panayam ng Radio Veritas.
Dagdag pa ng Opisyal na maliban sa pag-aalay ng panalangin para sa espiritwal na kagalingan, sikapin din nawa ng bawat isa na makapagbigay ng tulong at donasyon na maaaring makabawas sa mga gastusin ng mga may karamdaman.
“Maaari po nating ibigay ang mga tulong nang diretso sa humihingi sa atin o kaya ay ibigay sa ating parokya na tumutugon sa pangangailangan ng mga maysakit,” ayon sa Obispo.
Iginiit naman ni Bishop Mangalinao na sa kabila ng iba’t ibang krisis sa lipunan, madali lamang itong malalampasan basta’t sama-samang ipadarama ang pagkalinga, pananalangin at pagmamahal sa isa’t isa, anuman ang pinagdaraanan.
Ipagdiriwang ang 30th World Day of the Sick bukas, February 11, kasabay ng dakilang kapistahan ng Mahal na Birhen ng Lourdes.
Samantala, inihayag ng Kanyang Kabanalan Francisco ang kanyang pananalangin para sa lubos na kagalingan ng mga may karamdaman, maging sa mga tagapangalaga nito upang magkaroon ng lakas na magampanan ang tungkulin ng pagkalinga.