2,178 total views
Ipinapanalangin ni Cagayan de Oro Archbishop Jose Cabantan ang patuloy na kaligtasan at patnubay ng Panginoon sa mga biktima ng sama ng panahon na nakaapekto sa halos buong bansa.
Ayon kay Archbishop Cabantan, ito nawa’y hindi maging sanhi ng pagkawala ng pananalig sa Panginoon ng mga higit na apektado ng kalamidad, at sa halip ay mas lalo pang magtiwala upang tumatag ang pananampalataya.
“Loving Father, we always celebrate the new year with a lot of hope, and despite all the calamities that we suffer, we always hold on to our faith. And with Your help, it may also help us to recover, especially for those who are victims of calamities like the flood, so that they may also recover from their difficult situation right now,” panalangin ni Archbishop Cabantan mula sa panayam ng Radio Veritas.
Higit na naapektuhan ng shearline mula sa low pressure area ang Northern Mindanao partikular ang lalawigan ng Misamis Occidental na nagdulot ng malawakang pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa tuluy-tuloy at malakas na pag-ulan.
Naitala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ang nasa halos 700-libong indibidwal o 171-libong pamilyang lubhang apektado ng kalamidad.
Una nang nagpadala ng P200-libong halaga ng tulong ang Caritas Manila sa Archdiocese ng Ozamis kasunod ng pag-apela ng tulong at panalangin ni Archbishop Martin Jumoad.
Patuloy naman ang panawagan ng Simbahan sa publiko na pangalagaan ang kalikasan at patuloy na manalangin upang ipag-adya ang bansa mula sa anumang sakuna.