203 total views
Nagpaabot ng panalangin ang pamunuan ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting para sa kaligtasan ng lahat ng PPCRV volunteers na magbabantay sa halalan.
Tinukoy ni PPCRV Chairperson Myla Villanueva ang sitwasyon ng mga volunteer sa mga lugar na itinuturing na election hotspot na itinataya ang buhay para matiyak ang maayos at matapat na midterm elections.
Inihayag ni Villanueva ang pasasalamat ng pamunuan ng PPCRV sa lahat ng mga volunteers mula sa iba’t-ibang diyosesis sa buong bansa na buong pusong ibinibigay ng walang kapalit ang kanilang oras at panahon.
“Unang-una gusto kong mag-ingat kayo mas lalo na po sa mga hotspots at mga you know mapeligro pero napakahalaga po ng inyong trabaho at nagpapasalamat po kaming lahat sa ating mga volunteers kasi ibang klase talaga ang PPCRV volunteers, ang kanilang panahon ibinibigay nila, freely, libre at lahat puso so ang laki po ng pasasalamat dapat ng bansa at kami po sa PPCRV national thank you…” pahayag ni Villanueva sa panayam sa Radyo Veritas.
Batay sa tala may 300,000 ang mga volunteers ng PPCRV mula sa 86 na diyosesis sa buong bansa na magsisilbing tagapagbantay ng Simbahan sa kaayusan at katapatan ng halalan sa may 86,000 clustered precincts sa buong bansa.
Samantala umaabot naman sa 1,196 na mga lugar ang tinukoy bilang election hotspots ng Commission on Elections (COMELEC) kabilang na ang lahat ng mga lugar sa Mindanao na una ng inilagay sa ilalim ng “red category” o areas of grave concern dahil sa matinding away pulitika na posibleng magresulta sa karahasan.