1,301 total views
Tungkulin ng bawat mamamayan na maging bahagi sa pagpapabuti at paglago ng sektor ng edukasyon.
Ito ang paalala ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission on Catechesis (CBCP-ECCCE) sa paggunita sa January 24 ng International Day of Education.
Ayon kay San Fernando, La Union Bishop Daniel Presto,vice-chairman ng CBCP-ECCCE, bukod sa mga guro at iba pang kabilang sa sektor ng edukasyon ay tungkulin rin ng mga magulang na maging bahagi sa mabuting paglilinang sa mga kabataang mag-aaral.
“Kaya itong January 24, pagpapaalala lang sa atin sa kahalagahan ng edukasyon at ang tungkulin ng bawat isa lalo’t higit na yung mga civil society groups and many others na magtulungan lalo’t higit na yung mga mahihirap na nasa kalagayan ng buhay na makapag-aral ang mga bata at makapagtapos ng pag-aaral hanggang high school man lang sana, kaya’t ipagdasal natin yung mga tinatawag natin heroes for education.”bahagi ng panayam ng Radio Veritas kay Bishop Presto.
Sa araw ng paggunita, inalala rin ng Obispo ang pagbibigay ng oportunidad sa mga matatandang hindi nakapagtapos ng pag-aaral.
Kasabay ito ng paalala ng higit na pakikiisa sa mga mahihirap na mag-aaral at sa mga naninirahan sa malalayong kanayunan.
“Mayroon mga heroes na tinatawag na guro na nagtuturo sa malalayong lugar binibigyan ng extra time para matulungan ang mga bata, mayroon din yung mga parang teachers, hindi man sila professionals, ngunit tumutulong sila sa mga nasa malalayong lugar upang makamit ng mga bata at kabataan ang education, ipagdasal natin ang layunin ng pagdiriwang ng World Day of Education na maging successful.”ayon pa sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Presto.
Paalala ng Obispo ang patuloy na pagtataguyod sa 17-Sustainable Development Growth for Education na iminungkahi ng United Nations upang higit na mapalago ng bawat bansa ang kani-kanilang sektor ng edukasyon.
Ito na ang ika-limang taon ng paggunita ng International Day of Education na sinimulan ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) noong 2018 upang bigyan ng karagdagang atensyon ang pangangailangan ng mga mag-aaral.