237 total views
Mga Kapanalig, wala nang mas nakagagaan ng loob sa pangako ni Hesus sa atin sa Mateo 11:28 nang sabihin niyang “lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at nabibigatan sa inyong pasanin, at bibigyan ko kayo ng kapahingahan.” Ito rin ang mga salitang binanggit ni Pope Francis sa panawagan niyang ipanalangin ang mga nakararanas ng depresyon. Hindi maikakailang humantong sa matinding pagsubok sa mentál na kalusugan at emosyonal na katatagan ang pandemya at ang mga naging epekto nito sa pang-araw-araw na buhay ng tao.
Sa panahon ng krisis o anumang hindi magandang pangyayari, normal sa taong makaramdam ng kalungkutan, pag-aalala, at pagkatakot. Nagiging problema ito kung nakasasagabal o nakaapekto na ito sa pang-araw-araw na pamumuhay ng isang tao sa loob ng mahabang panahon. Hindi katulad ng pisikal na kapansanan, hindi madaling makita ang mental illness. Hindi madaling malaman sa unang tingin na nakararanas ang isang tao ng depression o matinding pagkalungkot, ng anxiety o labis na pagkabalisa’t pagkatakot, o ng trauma mula sa isang hindi magandang karanasan o pangyayari. Mayroon ding may mga suicidal behavior o nag-iisip magpatiwakal at ang nakalulungkot at nakababahala ay kung talagang itinutuloy nila ito. Hindi agad malalaman kung ang isang tao ba ay may matinding pinagdaraanan, kaya naman maling hindi sila pagtuunan ng pansin at i-invalidate o hindi paniwalaan ang kanilang kalagayan.
Base sa datos ng World Health Organization (o WHO) noong 2017, pangatlo sa pinakakaraniwang kapansanan ng mga Pilipino ang sakit sa pag-iisip. May humigit-kumulang anim na milyong Pilipino ang may depression at/o anxiety. Sa datos naman ng Philippine Statistics Authority (o PSA), hindi bababa sa 4,000 ang namatay dahil sa intentional self-harm noong 2020. Kapansin-pansin din para sa National Center for Mental Health ang pagdami ng mga tawag sa kanilang hotline na may kinalaman sa pagpapakamatay. Sa halos 9,000 tawag na natanggap nila sa unang anim na buwan ng 2021, nasa 28% o halos 3,000 ang may kaugnayan sa pagpapakamatay.
Dahil sa nakababahalang datos na ito, napapanahon ang panawagan at paanyaya ng Santo Papa ngayong buwan ng Nobyembre na samahan siyang ipagdasal ang mga taong may depresyon. Aniya, nagiging dahilan ang sobrang pagtatrabahong nagdudulot ng stress o burnout upang makaranas ang marami ng labis at matinding pagkapagod. Sa dami at mabilis na pagdaan ng mga kaganapan sa buhay ng tao—matatanda man o kabataan—hindi maiwasang makaramdam ang marami sa atin ng kalungkutan, kawalang-interes sa iba’t ibang bagay, at pagkapagod.
Mahalagang paalala rin ito sa bawat isa sa ating maging mahabagin, maging maunawain, at matutong ilagay ang sarili sa kalagayan ng iba. Pagmamahal, suporta, pag-unawa, at pagtanggap ang kailangan ng mga taong nasa mahirap at mabigat na sitwasyon. Bawat isa sa atin ay may mga labang hindi natin nakikita. Kailangan namang tapatan ito ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagtiyak na abot-kaya at madaling ma-access ang mga psychological counselling, gamot, psychotherapy, at mga online consultations, lalo na ngayong marami ring nagigipit.
Mga Kapanalig, nawa’y maging bahagi tayo sa pagpapakatotoo ng kaharian ng Diyos kung saan ang mga may pinapasan sa kanilang mga isip ay “makahanap ng suporta at liwanag na magbubukas sa kanila sa buhay.” Matingkad sa mga panlipunang turo ng Simbahang may taglay na likas na dignidad ang bawat tao anuman ang kanyang mentál at pisikal na kakayahang kailangang kinikilala at itinataguyod. Gaya nga ng mensahe ni Pope Benedict XVI para sa World Day of the Sick noong 2006, may tungkulin at pananagutan ang bawat Kristiyanong mag-ambag upang ang pangangailangan ng mga maysakit ay natutugunan at ang kanilang dignidad ay iginagalang at isinusulong.