413 total views
Hinimok ng pinuno ng Military Ordinariate of the Philippines ang mamamayan na ipagdasal ang kapwa at ang mga namumuno sa bansa lalo ngayong panahon ng krisis pangkalusugan.
Ayon kay Bishop Oscar Jaime Florencio, bukod sa sariling kaligtasan ay mahalagang ipagdasal din ang mga naglilingkod sa bayan at ang mga tumutugon sa pangangailangan ng mamamayan lalo’t higit ang mga frontliner na lantad sa panganib na mahawaan ng corona virus.
“Itong ating pagdarasal ay hindi lamang pagdarasal sa ating sarili, kundi pagdarasal sa buong bayan lalong lalo na sa ating frontliners, sa ating presidente, mga gabinete at Inter Agency Task Force; dapat dumulog tayo sa ating Ina sa Mahal na Birhen upang tayo ay mabasbasan, mabigyan ng liwanag at matuldukan na itong COVID-19 pandemic na ito,” panawagan ni Bishop Florencio sa Radio Veritas.
Ito ang mensahe ng obispo sa pagdiriwang ng kapistahan ng Mahal na Birhen ng Peñafrancia nitong ika – 20 ng Setyembre kung saan sa Manila ay matagumpay na nairaos sa kauna-unahang pagkakataon ang ‘PAGSUNGKO’ o motorcade ng Mahal na Ina.
Sinabi ni Bishop Florencio na nararapat ipanalangin ang mga pinuno ng bayan na nangangasiwa sa mga programang tumutugon sa pandemya.
Ang naturang gawain ay sa inisyatibo ng Most Holy Trinity Parish sa Balic Balic Manila sa pangunguna ni Rev. Fr. Enrico Martin Adoviso katuwang si Rev. Fr. Joebert Fernandez at mga Bicolanong pari at semianrista.
Inihayag naman ni Fr. Adoviso na ito rin ay pagbibigay pugay sa kilalang patron ng Bicol region subalit ipagdiriwang ito sa buong bansa sapagkat kilala ang Pilipinas na bayang namimintuho sa Mahal na Birhen o Pueblo Amante de Maria.
Dalangin ng pari sa Mahal na Birhen ng Peñafrancia na maging matatag ang mga frontliners partikular sa medical sector.
“Ginawa ito para ipagdasal natin ang lahat ng mga namatay sa pandemic at lahat ng frontliners sa buong mundo na sana sila po ay maging matatag at maprotektahan,” pahayag ni Fr. Adoviso.
Binisita ng Mahal na Ina ang bikaryato ng Our Lady of Loreto na kinabibilangan ng walong parokya ang: Archdiocesan Shrine of Our Lady of Loreto, Nuestra Señora del Perpetuo Socorro Parish, Nuestra Señora de Salvacion Parish, Our Lady of Fatima Parish, Sacred Heart of Jesus Parish, Sanctuary of Saint Anthony of Padua, San Roque de Sampaloc Parish, Santisimo Rosario Parish at ang Most Holy Trinity Parish.
Binisita rin nito ang Manila City Hall kung saan malugod na sinalubong ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso.
Sa panayam ng himpilan sa alkalde nagpasalamat ito sa pamunuan ng Most Holy Trinity sa inisyatibo na iikot ang Mahal na Ina.
Bagamat aminado si Mayor Domagoso na hindi napipigilan ang dagsa ng tao sa mga ganung uri ng okasyon ay naniniwala itong hindi pinababayaan ng Diyos ang bawat isang nanalig sa Kanya.
“Nanawagan tayo na I think even ang Diyos mauunawaan tayo na kilalanin natin ang Diyos nakita man natin o hindi patuloy tayong manalig na hindi nya tayo pababayaan; may Diyos sa pandemyang ito at patuloy lamang tayong manalig na someday somehow may awa ang Diyos makakaraos din tayo” pahayag ng alkalde.