405 total views
Nanawagan si Lingayen, Dagupan Archbishop Socrates Villegas – dating pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines sa mga mananampalataya na ipanalangin ang mga Obispo ng Pilipinas sa kanilang nalalapit na pagbisita sa Santo Papa.
Isasagawa ng mga Obispo ang nakaugaliang Visita Ad Limina Apostolorum o Visit to the Threshold of the Apostles ngayong darating na Mayo upang makipag-usap sa Santo Papa, at mabigyan ito ng malawak na pananaw tungkol sa mga nangyayari sa Pilipinas.
Ayon kay Archbishop Villegas, mahalaga ang pagbisitang ito dahil sinasagisag ng Visita Ad Limina Apostolorum ang pakikipag-ugnayan ng mga Obispo kay San Pedro bilang Santo Papa, na ngayon ay kinakatawan ni Pope Francis.
“Nananawagan po ako sa ating mga kapatid na katoliko, ipagdasal po ninyo ang ating mga Obispo upang sa kanilang pakikipagpulong kay Pope Francis, makita talaga ni Pope Francis ang tunay na nangyayari sa atin at kapag nakita nya ay maipagdasal tayo at mabigyan din tayo ng payo sa mga dapat nating gawin upang maging mga mabubuting kristiyano sa ating bayan” bahagi ng pahayag ni Abp. Villegas sa Radyo Veritas.
Ipinaliwanag ng dating pangulo ng CBCP na sa pagsasagawa ng Visita Ad Limina Apostolorum ay isa-isang kinakausap ng Santo Papa ang mga Obispo upang makapagpaabot ng kanilang mensahe.
Dahil malaki ang Pilipinas, magkakahiwalay na pupunta sa Vatican ang mga Obispo mula sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Matapos ito ay bibisita din ang mga Obispo sa mga kongregasyon sa Vatican at dadalaw sa apat na Major Basilica na Basilica ng San Pedro, San Pablo, Sta. Maria Majore at Lateran Basilica.
Nilinaw ni Abp. Villegas na ang pagpuntang ito sa Roma ng mga Obispo ay hindi bilang mga turista kundi bilang spiritual journey pilgrimage sa libingan ni San Pedro, at sa kanyang kahalili.
Ang Visita Ad Limina Apostolorum ay isinasagawa kada limang taon, subalit ayon kay Archbishop Villegas, tumagal ito ng 9 na taon dahil nagkaroon ng pagpapalit ng Santo Papa at noong mapalitan naman ni Pope Francis si Pope Benedict XVI ay dumalaw naman ito sa Pilipinas kaya tumagal pang muli ang itinakdang pagdalaw ng mga Obispo ng Pilipinas sa Roma.
Sa kasalukuyan mayroong mahigit sa mahigit sa 100 ang mga Obispo at arsobispo ng Pilipinas na nangangasiwa sa 86 na mga Diyoseis sa buong bansa.