328 total views
July 22, 2020, 11:21AM
Hinihikayat ni Radio Veritas president Fr. Anton CT Pascual ang mananampalataya na patuloy na ipanalangin ang Pangulong Rodrigo Duterte lalu na ngayong nalalapit na 5th State of the Nation Address sa Lunes, ika-27 ng Hulyo.
Ayon kay Fr. Pascual na siya ring executive director ng Caritas Manila, napakahalaga ang mga pinuno ng bawat bansa sa pagharap sa mga suliranin lalu na ngayong pandemya.
“Nakikita natin ang kahalagahan ng gobyerno sa harap ng pandemya. At mahalaga sa gobyerno ang pamunuan. Ano ang direksyon ng pamunuan, paano mapapangalagaan ang sambayanan,” ayon kay Fr. Pascual sa panayam ng programang Veritas Pilipinas.
Inihayag ng pari na sa mga pagpapasya ng pangulo nakasasalay kung paano bibigyan ng tugon ang pangangailangan ng kanyang nasasakupan.
“Lalung lalu na sa presidente. Para kapag siya nagpasya ito ay para sa kabutihan ng lahat. Kasi ang common good-ito ang kalooban ng Diyos. Common good is the will of God,” ayon pa sa pari.
Sa Lunes, i-uulat ng pangulo sa sambayanang Filipino ang kasalukuyang kalagayan ng bansa at mga polisiya ng pamahalaan.
Ayon kay Fr. Pascual, pangunahing nais niyang marinig sa pangulo ang plano ng pamahalaan sa pagtugon sa pangkalusugan at pangkabuhayan ng publiko dahil sa krisis na dulot ng pandemic coronavirus disease.
“Kaya’t yan ang unang-una na dapat nating marinig sa presidente, ano ang plano ng gobyerno para tayo maligtas lahat?”pahayag ni Father Pascual
Sa pinakahuling tala, higit na 70-libo ang kaso ng Covid-19 sa Pilipinas habang naitala na rin sa 59 na milyong Filipino ang nagugutom.