294 total views
Pinangunahan ni Caloocan Bishop Pablo Virgilio David ang paglulunsad ng Padasal para sa mga Pinaslang: Undas ng kababaihan na ginanap sa San Roque Cathedral Caloocan City.
Ayon kay Bishop David, ito ay bilang paghahanda para sa pagggunita ng Undas na dalawang araw na ipinagdiriwang ng mga Filipino ang All Saints Day at All Souls Day.
Sa ganitong panahon ayon sa obispo ay hinihikayat ang lahat na magdasal at ipagtirik ng kandila ang lahat ng mga namayapa lalu na ang mga kaluluwang walang kapayapaan at tumatangis dahil sa kawalang katarungan.
Ito ayon sa Obispo ay yaong mga pinatay dahil sa digmaan at krimen kabilang na dito ang mga pinatay dahil sa giyera kontra droga na pinatawan ng parusang kamatayan kahit di pa napapatunayan ang pagkakasala.
“Kaya kasama sa mga ipinagtitirik natin ng kandila ang mga hindi namatay kundi pinatay, hindi nawalan ng buhay dahil binawi ng Diyos kundi binawi ng mga taong nagdi-Diyos-diyosan. Kaya isinasama natin sa mga ipinagtitirik natin ng kandila ang mga biktima ng mga krimen, ang mga napatay sa giyera sa Marawi, at higit sa lahat, ang mga pinaslang dahil sa malupit na giyera kontra-droga.” bahagi ng homiliya ni Bishop David.
Hinikayat din ni Bishop David ang lahat na ipagtirik ng kandila at ipagdasal ang mga taong bagama’t buhay pa ay patay na ang konsensya upang sila ay mabagabag at makintal ang manhid na kaluluwa tungo sa pagbabago.
“Higit sa lahat ipinagtitirik din natin ng kandila ang mga “buhay na patay”, ang mga buhay pa ang mga katawan ngunit namatayan na ng konsensya. Ipagtirik natin sila ng kandila hindi upang sila’y mapayapa, kundi upang sila’y mabagabag. Sa bisa ng panalanging kasabay ng pagsisindi ng kandila, nawa’y mapaso at makintal ang mga namamanhid nilang mga kaluluwa. Nawa’y magising na muli ang mga natutulog na budhi. Dahil mga anak din sila ng Diyos at nangangailangan din ng kaligtasan, idasal natin na marinig nila sa kanilang isip ang walang tigil na pagtuka ng mga sisiw na ilang araw na namalagi sa bintanang salamin ng mga ataol ng kanilang mga pinaslang ,” ayon kay Bishop David.
Ito ang mensahe ni Bishop David sa kanyang homiliya sa ipinagdiwang na misa sa San Roque Cathedral kung saan kabilang sa mga dumalo ang mga pamilya ng mga nabiktima ng tokhang, at drug surrenderers na bahagi ng Salubong –ang community based rehabilitation program ng Diocese ng Caloocan.
Una na ring pinuri ng kanyang kabanalan Pope Francis ang ginawang programa ng simbahan ng Pilipinas para tugunan ang problema ng mga lulong sa ipinagbabawal na gamot.
Kabilang sa community based drug rehabilitation ng simbahan ang Sanlakbay at Kaunting Pahinga ng Archdiocese of Manila; Salubong ng Diocese ng Caloocan; HOPE center ng Diocese ng San Jose, Nueva Ecija; Abot Kamay Alang-alang sa Pagbabago ng Diocese ng Novaliches; Pastoral Approach to Rehabilitation and Reformation ng Diocese ng Cubao at Labang ng Archdiocese of Cebu.
Bago pa man ang kampanya ng administrasyon laban sa ipinagbabawal na droga, higit na sa 30 taon ang programa ng Diocese ng Malolos sa mga lulong sa bisyo –ang Galilee Homes na matatagpuan sa Dona Remedios Trinidad sa Angat, Bulacan at ang Fazenda de Esperanza sa Masbate.
Sa ulat, higit sa 13,000 katao na ang pinatay na may kaugnayan sa droga na hayagang kinondena ng Obispo at nanindigan rehabilitasyon at hindi pagpaslang ang dapat na tugon sa problema ng bansa hinggil sa ilegal na droga.