183 total views
Sa pagdiriwang ng All Saints at All Souls day, hinikayat din ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David – Vice President ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang patuloy na pagdarasal sa mga mamamatay tao.
Ayon sa Obispo, maliban sa mga kaanak na yumao, at biktima ng karahasan mahalagang maipagdasal din ang kaluluwa ng mga nasa likod ng pagpaslang sa lipunan.
Nababahala si Bishop David sa tila kawalan ng takot ng mga mamamatay tao itinuturing na lamang na hayop ang kanilang mga biktima na hindi katanggap-tanggap at malinaw na nagpapakita ng paglapastangan ng kasagraduhan ng buhay.
Dahil dito, marapat din aniyang ipagdasal ang mga ito upang sila ay makapagbalik loob dahil ayon sa Obispo ang kaluluwa ng mga taong gumawa ng masama ay tiyak na mababalisa din pagdating ng kanilang kamatayan.
“Sa palagay n’yo ba, ang mga mamamatay tao na kung pumatay o pumaslang ay parang pumaslang lang sila ng mga manok ay mapapayapa yan sa kabilang buhay? Siguradong mababalisa sila. Kaya ipagdasal din natin sila kasi gumawa man sila ng kasalanan o nang masama mahal pa rin sila ng Diyos.” Dagdag pa ni Bishop David.
Matapos ang misa, nagbasbas din si Bishop David sa ilang mga puntod kabilang na ang puntod ni Kian Lloyd Delos Santos, ang 17 taong gulang na batang biktima ng war on drugs ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ipinaliwanag ni Bishop David na hindi ang naging pamumuhay ng mga yumao ang dapat na tignan upang sila ay bigyang paggalang kun’di ang Diyos na lumikha ang binibigyang paggalang sa tuwing isa sa kan’yang mga kawangis na nilalang ang pumapanaw.
“Ang mga yumao ay sagrado hindi dahil sila ay mga banal na tao kun’di dahil banal ang Diyos na lumikha sa kanila at nilikha tayo sa hugis at wangis ng isang banal na Diyos kaya yung pagpunta natin sa mga yumao natin ay isang paggunita sa kabanalan ng Diyos na lumikha sa kanila kaya dapat sila’y igagalang… nakakalungkot kapag ginagawang basurahan ang mga Campo Santo o ang mga sementeryo, ibig sabihin wala na sa tradisyon natin o wala na sa kamalayan natin ang kasipan na ito’y sagradong lugar,” bahagi ng pahayag ni Bishop David sa Radyo Veritas.
Hinimok naman ni Bishop David ang mga kapamilya ng mga yumao na ipagdasal ang kanilang kaanak na namayapa, subalit huwag nang tularan ang mga maling nagawa nito.
Pagkakalat sa mga sementeryo
Ito naman ang napuna ni Bishop David sa La Loma Catholic Cemetery.
Ayon sa Obispo, labis na nakalulungkot ang naging ugali ng mga Filipino na basta na lamang pag-iiwan ng mga kalat kung saan-saan lalo na ngayon sa sementeryo.
Hindi ugaling Kristiyano ang pagkakalat ng basura sa sementeryo dahil ayon kay Bishop David ito ay tinatawag din na Campo Santo na nangangahulugang isang banal na lugar para sa mga yumao at kinakailangang bigyang paggalang ang lahat ng nahihimlay dito maging anuman ang kanilang naging buhay.
Ipinaliwanag naman ni Bishop David na ang La Loma Catholic Cemetery ay isang Campo Santo o mga katolikong sementeryo kung saan isinasagawa ang mga tradisyon at paniniwalang Katoliko.
Ayon sa Obispo, iba ang Katolikong sementeryo sa mga tinatawag na memorial park dahil pribado ang mga ito.
Kung ang yumao at ang pamilya ng yumao ay hindi naniniwala sa pananampalataya at tradisyon ng mga Katoliko ay maaari nitong piliing ihimlay ang kanilang kaanak sa mga pribadong sementeryo o mga memorial parks.
Ang La Loma Catholic Cemetery na kilala noon bilang Campo Santo de La Loma ay binuksan nang taong 1884, kung saan naging bahagi na ng kasaysayan ang luma nitong Simbahan na sa kasalukuyan ay nananatiling nakatayo sa ilalim ng pangangalaga ng Diocese of Kalookan at ng Chaplain nito na si Father Rey Tumbocon.