28,807 total views
Hinimok ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mamamayan na magkaisang ipanalangin ang kapayapaan ng buong mundo sa taong 2024.
Aniya sa tulong at gabay ng Mahal na Birheng Maria, nawa’y mangibabaw sa sanlibutan ang diwa ng kapayapaang hatid ni Hesus sa mundo.
Kasabay din nito ang kahilingang makiisa sa panawagan ng Santo Papa Francisco na ‘Year of Prayer’ ngayong 2024 bilang paghahanda sa Jubilee Year sa 2025.
“I invite you to embark ‘Pilgrimages of Prayer’ this year. Let every ecclesial community go back to the centrality of prayer in our life as missionary disciples of Jesus” mensahe ni Cardinal Advincula.
Hiling din ng arsobispo sa mamamayan ang pakikilakbay ng simbahan tungo sa pagpapabuti at pagpapalawak ng misyon ng simbahan batay sa bunga nang isinagawang synodal consultations sa mga pamayanan.
Tinukoy ni Cardinal Advincula ang nabalangkas sa National Synodal Synthesis na maaring gawing gabay sa pastoral plan ng simbahan ang pagiging bukas sa pakikinig at pagpapaigting ng mga parokya, komunidad at institusyon tungo sa pagbabago.
Kabilang na rin dito ang higit na pakikipag-ugnayan sa pamayanan at sa bawat sektor ng lipunan, pamumuhay ng payak at may kababaang loob ng mga lingkod ng simbahan, pagiging mabuting katiwala at pagpapalakas ng faith formation upang mas malinang ang karunungan ng mga layko sa pakikisangkot sa simbahan at maisulong ang pagkakapantay-pantay.
“We continue the synodal process of walking together in communion, mission, and participation.Let this new year be an occasion for us to review our initiatives in gradually forming ourselves into a synodal Church and plan on how we can further implement and realize our Traslacion Roadmap, our six-year strategic plan in the Archdiocese,” ani Cardinal Advincula.
Paalala pa ng cardinal sa mamamayan na sa kabila ng mga hamong kinakaharap sa bawat paglalakbay ay natitiyak na si Hesus ay kasama sa anumang panahon kaya’t buong katapatang ipagkatiwala sa Diyos ang bagong taong 2024 at buong kagitingang ipagpatuloy ang misyon nang may pananampalataya.