172 total views
Ito ang mensahe ni Diocese of Balanga Bishop Ruperto Santos – Chairman ng CBCP Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People ngayong ipinagdiriwang ang araw ng mga Ama.
Ayon sa Obispo kabilang sa magagandang katangian ng mga ama ang pagtitiyak ng seguridad ng kan’yang pamilya.
Aniya, sa pagprotekta at pagtiyak ng kaligtasan ng pamilya ipinakikita ng isang ama ang kan’yang awtoridad at lakas, at dahil dito ay iginagalang at sinusunod ito ng pamilya.
“A father protects. He is always after safety and security of his children. He keeps them from harms and never hurts them. A father will always defend his loved ones, never allow anyone to bully nor take advantage of his children. With this aspect, a father shows his authority, his strength. And because of that, we respect, we obey our fathers.” Bahagi ng mensahe ni Bishop Santos sa Radyo Veritas.
Dagdag pa ng Obispo, dakila at maituturing na bayani din ang mga ama dahil sa kanilang husay sa pagbibigay ng pangangailangan ng buong pamilya.
Kahanga-hanga aniya, ang pagsasakripisyo ng sarili ng isang ama, upang matustusan at masuportahan ang kan’yang pamilya.
“He is always a great and generous provider. He works hard to sustain his family, to support their needs. He gives all, does all for the well being of his loved ones. That is the reason our father is hardworking and always at work. So for us he is our model, our hero.” Dagdag pa ng Obispo.
Dahil dito, hiniling ni Bishop Santos na laging ipagdasal ang mga Ama upang gabayan sila ng Panginoon habang pinangangalagaan nito ang kanilang pamilya.
Partikular din na binigyang pugay ng Obispo ang mga Amang naghahanapbuhay sa ibayong dagat na handang magtiis ng hirap na mapalayo sa kanilang pamilya, matiyak lamang ang maayos at magandang kinabukasan ng kan’yang mga anak.
“Now let us be proud of our parents. Let us always be thankful to God for them. And always pray also for their safety, sound health and security, especially those fathers who are OFWs.” pahayag bi Bishop Santos.
Ngayong ika-16 ng Hunyo ipinagdiwang ang Araw ng mga Ama kung saan binibigyang pugay ang kanilang mga sakripisyo, paghihirap, at pagmamahal sa pamilya.
Una nang hinikayat ng Kan’yang Kabanalan Francisco ang mga ama, sa isang mensahe nito, na tularan si San Jose na dakilang ama ni Hesus, na tagapagligtas ng sanlibutan.
Aniya, sa pagtulad kay San Jose ay maayos na magagabayan ng mga ama ang kan’yang pamilya at mailalapit ito sa Panginoon.