189 total views
Ito ang mensahe ni Tuguegarao Archbishop Sergio Utleg sa mga pari ng Arkidiyosesis kasunod ng pagkakapaslang kay Fr. Mark Ventura.
Ayon sa Arsobispo, bagama’t hindi pa napapatunayan na may kaugnayan sa adbokasiya ang dahilan ng pagpaslang sa pari ay dapat na mag-ingat ang lahat.
“Well, mag-ingat. Of course ‘wag ihihinto kung anuman ang bokasyon natin basta for the good of the poor specially the marginalized, indigenous people, the environment they should not stop doing what is right,” ayon kay Archbishop Utleg sa panayam ng Radio Veritas.
Sa kasalukuyan ay naglabas na ng cartographic sketch ang pulisya sa bumaril kay Fr. Mark subalit hanggang ngayon ay hindi pa rin nahuhuli ang salarin.
Nagpapasalamat din si Archbishop Utleg sa pulisya at umaasa sa agarang pagkamit ng katarungan sa pagkamatay ni Fr. Mark.
Ang 37 taong gulang na si Fr. Ventura ay binaril at napatay ng ‘riding in tandem’ matapos ang kaniyang misa sa gymnasium sa Barangay Piña Weste Gattaran, Cagayan noong April 29, linggo ng umaga.
Ang batang pari ay nakatalaga sa San Isidro Labrador Station sa Mabuno sa bayan ng Gattaran at kilalang nagsusulong ng mga karapatan ng mga katutubo, pangangalaga sa kalikasan at tamang pamamahala.
Una na ring nag-alok ng P300,000 reward ang pamilya ni Fr. Mark para sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon sa sinumang may kagagawan ng pagpaslang.
Si Fr. Mark ay ikalawa na sa mga pari na napaslang ngayong taon, kabilang na si Fr. Tito Paez mula naman sa Diocese ng San Jose Nueva Ecija na kilala namang nagtataguyod ng karapatan ng mga manggagawa at magsasaka.
Una na ring kinondena ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang mga pagpaslang at hiniling ang mabilis na pagkamit ng katarungan.