12,264 total views
Ito ang mensahe ni Father Jason Laguerta, director ng Office for the Promotions and New Evangelization sa katatapos na Philippine Conference on New Evangelization (PCNE) 10 na may temang ‘Salya: Let us cross to the other side’ na pangunahing tinalakay ang Synodal Church na sama-samang paglalakbay ng mga simbahan at mananampalataya.
Ayon sa Pari, sa tulong ng pakikinig ay higit na mapapalapit ang mga pastol ng simbahan sa mananampalataya at pakikinggan ang paggabay ng Espiritu Santo upang makamit ang tagumpay ng sinodo.
“Sabi nga ni Cardinal Jo Advincula, itutuloy natin ito sa PCNE 11 at nasimulan na ngayong taon ang metodo at proseso, yun ay ang pakikinig, ang ganda nung sinabi ni Cardinal Jo na yung transformative listening, napakaganda nito, kaya yung pakikinig, sabi nga sa Radio Veritas, makinig, doon tayo magsisimula, at sa pakikinig doon natin malalaman kung saan tayo dadalahin ng Espiritu Santo, kaya kung sasabihin na sa next year ganito ganiyan ang mangyayari, ang sagot ko doon ay sa Espirity Santo, depende sa kaniya, kung saan niya tayo dadalahin, makinig tayo sa kaniya at makinig din tayo sa isat-isa “ ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Father Laguerta.
Ipinagpasalamat ng Pari at Diyosesis ng Antipolo sa pagdating ng mga imahen ng Mahal na Poong Hesus Nazareno, Our Lady of Peace and Good Voyage at Señor Santo Niño sa tatlong araw na pagdaraos ng PCNE.
Ito ay dahil simbolo ang tatlong imahen ng matibay na paglalakbay ng simbahan at higit na pakikiisa higit na sa mga mananampalataya.
“Sila ang magiging gabay natin, ang mga imaheng ito ay magiging gabay natin paano ba tayo magsasalya, paano tayo magpapatuloy ng paglalakbay bilang isang simbahan, at tatawid tayo sa mas maayos, mas mapagmahal, mas bukas na simbahang naglalakbay ng sama-sama,” bahagi ng mensahe ni Father Laguerta sa Radio Veritas.
Nagpapasalamat din si Father Laguerta sa lahat ng mga nakiisa sa idinaos na PCNE X na dinaluhan ng libu-libong mga Pari, laiko, relihiyoso na mula sa ibat-ibang diyosesis ang nakiisa.