3,081 total views
Ito ang buod ng mensahe ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco sa pagdiriwang ng dakilang Kapistahan ng Nuestra Señora del Santisimo Rosario La Naval de Manila.Ayon sa Obispo, ito ay dahil sa pagtitiwala ng Panginoon kay Maria upang maging ina ni Hesus sa lupa.
Panalangin pa ng Obispo na ipagpatuloy din ng mga mananampalataya ang pagdedebosyon sa Mahal sa Birheng maria.
“Andiyan ang Diyos, nandiyan ang ating Mahal na Ina, kailangan lamang, sama-sama tayong maglakbay, makinig sa isat-isa, humugot ng tapang sa isat-isa kasama ni Maria tiyak na magtatagumpay tayo, kaya sana po ang ating pagtitipon ngayon hapon na ito, pag-prusisyon, pagdarasal, magbunga ng kabanalan, isang malalim isang malalim, matatag na pananampalataya, kailanman hindi tayo papababayaan ng Diyos kasama ang ating Mahal na Ina.” ayon sa pagninilay ni Bishop Ongtioco.
Umabot sa 28 imahen ng Dominican Saints kasama ang mga imahen nila San Jose Manggagawa at Mahal na Birheng Maria ang kabilang sa prusisyon na inalay para sa dakilang Kapistahan ng Nuestra Señora Del Santisimo Rosario La Naval De Manila na nagmula sa ibat-ibang mga Parokya, samahan, kongregasyon at institusyon sa Quezon City.
Isinapubliko din sa kapistahan ang pagtatalaga sa buong buwan ng Oktubre bilang buwan ng paggunita sa anibersaryo ng deklarasyon ng Our Lady of Rosary of La Naval bilang Patron ng Pamahalaang Lungsod ng Quezon sa pamamagitan ng panukalang Sangguniang Panglungsod SP-9438.
Bunsod ito sa malalim na pagdedebosyon ng mga mananampalataya sa Mahal na Birheng Maria upang mamamagitan sa kanilang mga pananalangin sa Panginoon.
Nakiisa rin si Q.C Mayor Joy Belmonte sa kapistahan na binasa ang Act of Consecration matapos maibalik sa kaniyang trono ang imahen ng Nuestra Señora Del Santisimo Rosario La Naval De Manila.
“Taon-taon ay inaabangan ng mga mamayang ng lungsod ang buwan ng Oktubre dahil ito ang panahon ng paggunita sa kabanalan at kadakilaan ng Mahal na Birhen ng Santo Rosaryo ng La Naval ng Manila, ngayong taon 2023, mas naging espsesyal ang ating selebrasyon dahil ipinagdiriwang natin ang ika-50 anibersaryo ng pagkilala sa Birhen bilang Patrona at Pintakasi ng Lungsod Quezon, tunay ngang mahal tayo ng Mahal na birhen ng La Naval dahil sa siksik at nag-uumapaw na pagpapala na natatanggap ng ating lungsod.” ayon sa mensahe ni Mayor Joy Belmonte.
Ang imahen ng Nuestra Señora Del Santisimo Rosario La Naval De Manila ay ang kauna unahang imahe ng mahal na Birhen sa Pilipinas na ginawaran ng koronasyon kanonika noong 1907 kung saan ang kapistahan ng La Naval de Manila ay ipinagdiriwang tuwing ikalawang linggo ng Oktubre.