12,643 total views
Ito ang hamon ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Emeritus Gaudencio Cardinal Rosales sa mga mamamahayag sa malaking tungkuling ginagampanan sa lipunan na nagbabahagi ng mga impormasyong dapat malaman ng mamamayan.
Iginiit ng cardinal na tinitingnan at pinakikinggan ng publiko ang bawat sinasabi ng mga mamamahayag kaya’t mahalagang maingat sa mga ibinabahaging impormasyon at tiyaking laging nakabatay sa katotohanan.
“Kayong nasa media pinagmamasdan ng mga tao, magandang balita ituloy yan, magandang aral palaguin yan, at ang mabuting balita na dinala ng Panginoon sa magandang pangaral ay isang paalala na sabihin ang totoo para hindi tayo malalayo sa dinadako ng Panginoon, dito kayo matutuwa, dito kayo sasagana, dito kayo makararating sa gusto ni Hesus,” ang pahayag ni Cardinal Rosales sa Radio Veritas. Binigyang diin ng dating arsobispo ng Maynila na walang saysay ang mga balitang ibinabahagi sa iba’t ibang media platform kung ito ay nababahiran ng kasinungalingan sapagkat magdudulot lamang ito ng kaguluhan at pagkakawatak-watak ng mamamayan.
Nitong August 20 ay binisita ng mga kawani ng media arm ng Archdiocese of Manila (AOC, TV Maria, Radio Veritas 846) si Cardinal Rosales sa Lipa City Batangas. Kinilala ng cardinal ang gawain ng media ministry ng arkidiyosesis na malaking tulong para sa ebanghelisasyon kaya’t hamon nitong ipagpatuloy ang mga gawaing magpapalago sa pananampalataya ng mamamayan. “Salamat sa Diyos at mayroong katulad pa ninyong naglilingkod, patuloy ninyong gawin yan, kay Hesus natin matutuklasan ang lahat ng inaasahan dahil si Jesus is the truth,” ani Cardinal Rosales.
Matatandaang sa ginanap na National Catholic Social Communications convention nitong Agosto kung saan tinalakay ang mga makabubuting dulot ng makabagong teknolohiya ay patuloy na hinamon ang media minister’s ng simbahan na maingat sa paggamit nito lalo na sa artificial intelligence dahil sa kaakibat na negatibong epekto kung hindi ginagamit sa wasto at mabuting pamamaraan.
Tiniyak naman ng RCAM media ministry ang pagpapaigting sa mga programang makatutugon sa nagbabagong panahon sa gitna ng pagsulong teknolohiya na magagamit sa mga programang pang ebanghelisasyon.