424 total views
Hinihikayat ni Maasin, Southern Leyte Bishop Precioso Cantillas ang mananampalataya para sa patuloy na pangangalaga at pagpapanatili sa ating nag-iisang tahanan.
Bagamat nalalapit na ang pagtatapos ng pagdiriwang ng Season of Creation 2021, tiwala si Bishop Cantillas na ang panahong ito ng paglikha ay mag-iwan nang ganap na solusyon para sa patuloy na pangangalaga sa inang kalikasan.
“Let concrete and constant gestures of environmental care be our commitment to this call,” pahayag ni Bishop Cantillas.
Inihayag din ng Obispo na dapat samantalahin ng bawat isa ang panahong ito sa pamamagitan ng pakikilahok sa mga gawaing inilulunsad ng mga simbahan, tulad ng mga coastal and river clean up, maging ang pagtatanim ng mga punong-kahoy.
“In this spirit, let us take this Season as an opportunity for a collective contribution by enthusiastically involving ourselves in the Season-related activities organized by the Diocesan Social Action Center (DSAC), like the synchronized coastal and river clean up, and the synchronized mangrove and tree planting,” saad ni Bishop Cantillas.
Magugunitang ang Diyosesis ng Maasin ay kinilala ng Vatican bilang unang diyosesis sa buong mundo na nagpalagay ng mga solar panels sa nasa 42 parokya nito mula pa noong taong 2018.
Ito ang paraan ng Diyosesis upang maitaguyod ang paggamit ng renewable energy na ligtas at hindi magdudulot ng masamang epekto sa kalikasan.
Tema ngayong taon ng Season of Creation ang “A Home for All? Renewing the Oikos of God”, at ipinagdiriwang tuwing buwan ng Setyembre hanggang Oktubre 4, kasabay ng kapistahan ng patron ng kalikasan na si San Francisco ng Asissi.
Ngunit dito sa Pilipinas ay pinalawig ito hanggang Oktubre 10 upang ipagdiwang ang Indigenous People’s Sunday bilang pagkilala sa mahalagang tungkulin ng mga katutubo sa pangangalaga at pagpapanatili sa kalikasan.