212 total views
Mga Kapanalig, noong isang linggo, inulan ng batikos ang pagdiriwang ni Pangulong Duterte ng kanyang kaarawan. May dalawang isyung mainit na pinag-usapan matapos lumabas ang mga larawan at video mula sa pagdiriwang.
Una, marami ang nadismaya sa sinasabing “publicity stunt” ng pangulo at kanyang kanang-kamay na si Senador Bong Go. Nag-post ang senador sa kanyang social media ng litrato ng pangulong umiihip ng kandilang nakatusok sa isang tasa ng kanin na para bang cake. Pagpapakita raw ito ng simpleng pagdiriwang at pagiging payak na tao ng pangulo. Ngunit makalipas lamang ang ilang oras, isang litrato ang biglang lumabas sa social media na may mas malayong kuha mula sa unang litratong inilabas ng senador. Sa ikalawang litrato, kita ang buong mesang may lechon pang handa ang pangulo.
Agad itong binatikos ng mga netizens. Pakitang-tao lang daw ang unang litrato. Para naman kay Bayan Muna Representative Gaite, ang pagpapanggap na mahirap para sa photo op ay isang pangungutya sa mga taong tunay na walang maihanda sa kanilang kaarawan. Depensa naman ni Senador Go, ayaw daw bang pakainin ng mga bumatikos ang pangulo ng pagkaing kinakain naman ng ordinaryong Pilipino kahit saan? Sa gitna ng pandemya kung saan libu-libong Pilipino ang nagugutom, paano kaya nasabi ng senador na karaniwang kinakain ng mga ordinaryong Pilipino ang lechon?
Ang ikalawang isyu naman ay mula sa isang video na nag-viral kung saan akmang hahawakan ng pangulo ang maselang bahagi ng kanyang kasambahay sa nasabing pagdiriwang. Bagamat hindi ininda ng kasambahay ang insidente, malinaw na paglabag ito sa Republic Act No. 7877 o ang Anti-Sexual Harassment Act of 1995 na ipinagbabawal ang anumang porma ng pang-aabuso sa trabaho o paaralan. Sa kabila nito, ipinagtanggol ni Spokesperson Harry Roque ang pangulo. Aniya, biruan lamang daw iyon at walang halong malisya. Patuloy na iginigiit ng mga grupong nagsusulong sa karapatang pantao na kailanman ay maling gawing biro ang pambabastos sa kababaihan.
Ipinaaalala sa atin ng mga panlipunang turo ng Simbahan ang importansya ng pagkilala ng mga lider sa kanilang tungkuling igalang at isulong ang ating mga pinahahalagahan o values. Ang mga values na ito ay batay sa katotohanang ang bawat tao ay may dignidad. Bilang mga namumuno, tungkulin nilang protektahan at itaguyod ang mga values na ito. Hindi libre o exempted ang mga lider sa pagsunod sa mga moral na pamantayang kinikilala natin bilang lipunan; sila pa nga dapat ang nagsisilbing ehemplo sa pagsasabuhay ng mga ito.
Isa ang pagkiling sa mahihirap—at hindi ito ang paggamit sa kanila bilang kasangkapan sa mga publicity stunts—sa mga values na inaasahan natin mula sa mga lider ng ating bayan. Ang pagkukunwaring mahirap upang makaantig lamang ng emosyon ay tahasang pangmamaliit sa hirap na dinaranas ng mga taong tunay na hikahos sa buhay. Isa rin ang paggalang sa dignidad ng kababaihan sa mga pangunahing values na kailangan nating isabuhay upang makamit ang isang makataong lipunan. Walang lugar ang pang-aabuso sa sinuman—sila man ay kasambahay–sa minimithi nating lipunan. Kaya lubhang nakadidismaya kapag ginagawang biro ng ating mga lider ang pang-aabuso sa mga babae.
Mga Kapanalig, pakinggan natin ang babala mula sa Galacia 5:19-21: “Hindi maikakaila ang mga gawa ng laman… Muli ko kayong binabalaan: ang mga gumagawa ng mga ito ay hindi magkakaroon ng bahagi sa kahairan ng Diyos.” Suriin natin ang mga pagpapahalaga o values ng ating mga lider. Huwag tayong mangiming punahin ang kanilang mga baluktot na kaisipan at gawain. Sa huli, tungkulin nating lahat ang pagtataguyod at pagtatanggol sa mga pagpapahalagang nais nating umiral sa ating lipunan. Nawa’y lagi nating piliin ang mga values na makatao at maka-Diyos.
Sumainyo ang katotohanan.