290 total views
Napapanahon na upang makita at malaman ng mga Filipino lalong lalo na ng mga Kristyano ang kahalagahan ng karapatang pantao.
Ito ang pahayag ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, Chairman ng CBCP–Episcopal Commission on the Laity kaugnay sa paggunita ng Human Rights Day at ika-70 anibersaryo ng Pandaigdigang Deklarasyon ng Karapatang Pantao.
Ayon sa Obispo, ang pagpapahalaga sa karapatang pantao ay bahagi ng pakikiisa sa kapwa tao kaya naaangkop lamang na igalang at ipagtanggol ang karapatan ng bawat isa.
Hinimok ni Bishop Pabillo ang mamamayan na ipagtanggol ang karapatan ng mga kabilang sa maliliit na sektor ng lipunan at mga walang sapat na kaalaman at kapangyarihan upang ipagtanggol ang kanilang sarili mula sa mga pang-aapi.
“Sana po ang mga Filipino, lalong lalo na ang mga Kristyano ay makita nila ang kahalagahan ng Human Rights kung gusto nating pahalagahan ang kapwa natin ay dapat igalang natin ang kanilang karapatan at ipagtanggol lalong lalo na ang karapatan ng mga taong maliliit, ng mga taong walang alam at walang kapangyarihan sila dapat ang tulungan natin, so pahalagahan natin ang karapatang pantao bahagi ito ng ating pakikiisa sa ating kapwa…” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam sa Radyo Veritas.
Ginugunita ang Human Rights Day tuwing ika-10 ng Disyembre na araw kung kailan pinagtibay ng United Nations General Assembly ang Universal Declaration of Human Rights o Pandaigdig na Pahayag ng mga Karapatan ng Tao.
Nasasaad sa Article 1 ng Universal Declaration of Human Rights na ang lahat ng tao ay isinilang na malaya at mayroong pantay-pantay na karangalan at karapatan.
Nakapaloob rin sa naturang Pandaigdigang Deklarasyon ng Karapatang Pantao na ang bawat isa ay may kalayaan at karapatan sa kabila ng pagkakaiba-iba ng lahi, kulay, kasarian, wika, relihiyon, pananaw pampulitika, pinagmulang bansa, pagmamay-aring ari-arian kapanganakan at iba pang katayuan sa buhay.
Kaugnay nito, mariin ding naninindigan ang Simbahang Katolika sa pagbibigay halaga sa karapatang pantao at sa mismong buhay ng bawat nilalang na kaloob ng Panginoon sa sangkatauhan.