234 total views
Hinamon ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr ang mananampalataya na maging buo ang loob sa pagtatanggol sa Simbahang Katolika sa kinakaharap nitong pagsubok.
Ito ang mensahe ng Obispo sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pentekostes sa ika – 9 ng Hunyo na gugunitain ng higit sa 1.3-bilyong Katoliko sa mundo.
Tinukoy ni Bishop Bacani ang pagbaba ng Banal na Espiritu sa mga Apostol ay mas sumidhi ang kanilang pananampalataya sa paghahayag ng mga Salita ng Diyos.
“Marami tayong masasabi tungkol sa Pentecost pero ang gusto kong bigyan ng diin, na noong bumaba ang Espiritu Santo sa mga Apostol sila ay nagkaroon ng tapang upang ipahayag at ipagtanggol ang magandang balita,” pahayag ni Bishop Bacani sa Radio Veritas.
Ang Dakilang Kapistahan ng Pentekostes ay ipinagdiriwang ng Simbahang Katolika makaraan ang limampung araw ng Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo.
Umaapela si Bishop Bacani sa higit 86 na milyong Katoliko sa Pilipinas na ipakita ang bunga ng Espiritu Santo noong tanggapin ang sakramento ng binyag sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng Mabuting Balita ng Panginoon.
“Ang panawagan ko lang sa ating mga Filipino hari nawa tayo rin ay magkaroon ng lakas ng loob, yan ang gift of the Holy Spirit especially boldness lakas ng loob para ang magandang balita ay maipaabot sa iba at maipagtanggol naman ang magandang balita,” ani pa ni Bishop Bacani.
Hinamon din ng Obispo ang bawat isa na magkaisang manindigan para sa Simbahang Katolika lalo na kung ito ay nakaranas ng pang – uusig dahil sa pananampalataya.
“Kapag inaatake ang Simbahan, huwag kayong manahimik lang, manindigan kayo,” hamon ng Obispo.
Sa Pilipinas, makailang ulit nang hinamak ng pinakamataas na opisyal ng bansa ang pananampalatayang Katoliko tulad ng pagtawag na istupido sa Panginoon, ang alegasyon laban kay Caloocan Bishop Pablo Virgilio David na sangkot sa katiwalian at sa iligal na droga, ang paghimok sa mamamayan na huwag dumalo sa mga Misa, ang pahayag na patayin ang mga Obispo na pumupuna sa kanyang pamamalakad, at pagbatikos sa mga manunulat sa bibliya.
Iginiit din ni Bishop Bacani ang patuloy na pagkakaisa ng mananampalataya para ipagtanggol ang pananampalataya at mga pastol ng Simbahan sa pamamagitan na rin ng pagninilay-nilay.
“Malaking challenge ay magkaisa at magpulong pulong at mag discern para sa ganun malaman kung saan tayo gustong dalhin ng Diyos sa mga panahon na ito na hindi pangkaraniwang panahon sa ating kasaysayan,” giit pa ni Bishop Bacani.