176 total views
Naniniwala si Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo na kinakailangang palawakin pa ang kaalaman ng mamamayan kaugnay sa kinakaharap na panganib ng mga nagtatanggol ng kalikasan.
Ayon sa Obispo, karaniwan nang naririnig ng mga tao ang mga namamatay mula sa tokhang subalit hindi pa nalalaman ng marami ang mga pinapatay na tagapagtangggol ng kalikasan.
Ikinalulungkot ni Bishop Pabillo, Chairman ng CBCP Epsicopal Commission on the Laity ang sinasapit ng mga environmental defenders.
Kaugnay nito, inihayag ni Bishop Pabillo na upang maprotektahan ang mga environmental defender ay kinakailangang mapalawak pa ang pagkakaunawa ng mga Filipino na maraming nagbubuwis ng buhay alang-alang sa pangangalaga sa kapaligiran.
“Nakakalungkot na maraming mga Environmental Defenders ang nagbubuwis ng buhay nila para sa environment at pinapatay…Marami ang nakakaalam tungkol sa mga Tokhang pero yung mga namamatay na mga Environmentalist o pinapatay ay marami pong hindi nakakaalam… So kailangan po natin ng mas marami pang kaalaman sa mga tao, kamulatan, upang mapanindigan natin at maipagtanggol itong mga environmentalist natin.” Pahayag ng Obispo sa Radyo Veritas.
Naniniwala din si Bishop Pabillo na ilan sa mga dahilan ng pagpaslang sa mga Environmental Defenders ay ang usapin sa pagmimina at mga plantasyon.
Sinabi ng Obispo na karaniwan sa mga kawawang naiipit sa ganitong mga kaguluhan ay ang mga katutubong nagtatanggol sa kalikasan at sa kanilang lupaing ninuno.
Dahil dito, nanawagan din si Bishop Pabillo sa pamahalaan at sa sandatahang lakas ng bansa na gamitin sa tama ang kanilang puwersa at sigurhing na poprotektahan ang tunay na mabuti para sa mga mamamayan.
“Isa rin ay dahil po yan sa mga malalaking usually Mining Concerns at mga plantations. Sa halip na ipagtanggol yung mga Katutubo o mga Lumad, ang ipinagtatanggol ng ating Kapulisan ng ating pamahalaan ay yung mga mining concerns kaya nangyayari yun. Yun din po ay dapat tugunan na dapat pahagalagahan ang mga pangangailangan ng ating mga katutubo.” dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Sa pag-aaral ng Global Witness, naitala ang taong 2017 bilang pinaka mapanganib na taon para sa mga environmental defeners.
Sa loob ng taong ito, umabot sa 207 ang insidente ng pagpaslang sa mga environmental activist mula sa 22 mga bansa.
Nangunguna naman ang bansang Pilipinas sa buong Asya, na may pinaka maraming Environmentalist na napaslang.
READ: Tumaas na Environmental defenders killings, Pingangambahan