262 total views
Nananawagan ang dating opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa lahat na maging vigilant matapos makapasa sa ikalawang pagbasa ang divorce bill sa Mababang Kapulungan. ng Kongreso.
Ayon kay Fr. Melvin Castro, Chancellor ng Diocese of Tarlac, hindi dapat maging kampante ang tutol sa diborsyo sa mabilis na pag-usad ng pagtalakay ng panukala sa kabila ng walang katapat na panukalang batas sa Senado.
“We need vigilance and prayers,” panawagan ng pari.
Giit ni Fr. Castro- dating executive secretary ng CBCP-Episcopal Commission on Family and Life, ang ginawang stratehiya ng Mababang Kapulungan ay ipasa ang ‘pressure’ sa Senado sa pamamagitan ng pagpasa ng panukala kahit wala itong katumbas na panukala sa Mataas na kapulungan.
“May masamang kultura ngayon sa House of the Representatives pasa ng pasa ng bill tapos bahala kayo sa Senate diyan, it’s not good. Ang problema kasi you are putting pressure sa Senate. Sana nga ay huwag silang ma-pressure,” ayon kay Fr. Castro.
Patuloy namang naninindigan ang simbahan na pagtutol sa diborsyo na siyang pangunahing pundasyon ng lipunan.
“Hindi ang lipunan ang nagtayo ng pamilya. Ang pamilya ang nagtayo ng lipunan. Basic unit ‘yan pahinain natin ‘yan buong lipunan at buong simbahan ang manghihina. Kaya huwag nating balewalain bantayan natin next week. Pasalamatan ang nag-NO at express your disappoint sa nag-YES sa divorce bill,” ayon kay Fr. Castro.
Hinikayat din ng pari ang mga mananampalataya na kumilos sa pamamagitan ng pagpapadala ng liham sa mga mambabatas at ipahayag ang pagtutol laban sa panukala.
“Then let’s move on sa Senate. Sulatan ang mga senador. Iyong mga binoto natin, at ‘sabihin na binoto natin na binoto namin kayo sila pero hindi kami naniniwala sa divorce at huwag ninyong ipasa ‘yan. As many as possible diyan nila makikita na may public clamor,” ayon pa sa pari.
Sa report, may 24 na grupo ng mga layko ang nagpalabas na ng kanilang pahayag ng pagtutol sa diborsyo kabilang na dito ang Couples for Christ Global Mission Foundation, Prayer Warriors of the Holy Souls, Ang Ligaya ng Panginoon, Alliance for the Family Foundation, Inc., and Educhild Foundation, Inc.