10,273 total views
Ito ang mensahe ni Antipolo Bishop Ruperto Santos sa nalalapit na Pontifical coronation ng Nuestra Señora de Fatima de Marikina sa May 12 kasabay ng pagdiriwang ng Mother’s Day.
Ayon kay Bishop Santos, isang natatanging huwaran ang Mahal na Birhen sa kanyang kababaang loob na sumunod sa kalooban na maging ina ni Hesus.
“Ipakilala, ipakita at ipagmalaki ang ating Mahal na Ina, ang Birhen ng Fatima na tanda ng ating pagmamahal, tanda ng ating pagpaparangal sa kanya, ang pagpuputong ng korona ay regalo hindi lamang sa atin kundi regalo ng ating diyosesis sa Pilipinas at sa buong inang simbahan. Ito ang ating regalo tanda ng pagkilala sa kaluwalhatian ng Diyos,” ani Bishop Santos.
Sinabi ni Bishop Santos na sa pamamagitan ng canonical coronation ay higit nawang lumalim ang debosyon ng mananampalataya sa Mahal na Ina at higit na maakay tungo sa daan ni Hesus at lumalim ang pananampalataya sa Panginoon.
“Ito ang ating regalo sa ating kapwa, sa ating mga kasamahan, at higit sa lahat ito ang ating pag-akay sa isa’t isa, ng ating sarili tungo sa kabanalan,” ayon pa sa obispo.
Inaanyayahan ni Bishop Santos ang mananampalataya na makiisa sa pontifical coronation sa Nuestra Señora de Fatima de Marikina sa ritong pangungunahan ng obispo ganap na alas nuwebe ng umaga sa Diocesan Shrine and Parish of St. Paul of the Cross sa Marikina City.
Isinapubliko ng Diocese of Antipolo ang pag-apruba ng santo papa sa canonical coronation sa pamamagitan ng liham ng Dicastery for Divine Worship and the Discipline noong February 14.
Ito na ang ikaanim na imaheng ginawaran ng canonical coronation ng diyosesis kasama ang Nuestra Señora Dela Paz y Buenviaje ng International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage sa Antipolo; Nuestra Señora de los Desamparados ng Diocesan Shrine of Our Lady of the Abandoned sa Marikina; Nuestra Señora de Aranzazu ng Diocesan Shrine – Parish of Nuestra Señora de Aranzazu sa San Mateo; Nuestra Señora de la Lumen ng Diocesan Shrine and Parish of Our Lady of Light sa Cainta, at ang; Nuestra Señora del Santísimo Rosario ng Diocesan Shrine of Our Lady of the Holy Rosary sa Cardona Rizal.