160 total views
Naging mabunga ang katatapos lamang na 118th plenary assembly ng Catholic Bishops Conference of the Philippines na ginanap sa Pope Pius XII sa Manila.
Ayon kay Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo sa panayam ng programang Veritas Pilipinas, kabilang sa mga tinalakay ng kapulungan ay ang paghahanda ng simbahan ng Pilipinas sa nalalapit na pagdiriwang ng ika-500 taon ng Kristiyanismo ng bansa.
“Pinag-usapan ng malalim at may detalye ang paghahanda natin sa 2021. Marami mga pinag-usapan kung sino ang mga iimbitahin, saan gagawin ang mga activities at anong assignment na binigay sa mga commissions,” ayon kay Bishop Bagaforo.
Dalawang pastoral statement din ang inilabas ng mga Obispo na naging bunga ng kanilang pagninilay kaugnay sa mga kinakaharap na suliranin ng simbahan at ng lipunan.
“Sa titulo pa lamang ay masasabi natin na hindi natin nakakalimutan ang ating ‘identity’ ang ating misyon at ang ating pinanggalingan kundi ang ating Panginoon kundi si Hesus. Sa ating pastoral statement na ipinapahayag natin sa lahat ang ating malasakit at ang ating handang pagpapatawad. Ipinapakita rin natin na hindi puwede ang an eye for an eye. Kung meron mang pagkakamali ay ipakita natin ang kabutihan,” paliwanag ni Bishop Bagaforo.
Ito ay ang ‘Seek the Common Good’ na magsisilbing gabay sa pagboto ng mga mananampalataya sa nalalapit na midterm elections at ang ‘Conquering Evil with God’ bilang pagtugon sa pag-uusig na tinatanggap ng simbahan.
Ang Philippine bishops ay may higit sa 130 mga Obispo kung saan 80 sa mga ito ang aktibong nangangasiwa sa 86 na diyosesis sa buong bansa.
“Very successful ang naging pagpupulong ng mga obispo. Kung ako ang titingin maganda ang aming attendance at marami ang mga bagong mukha dahil napakaraming mga bagong obispo ang naitalaga,” ayon pa kay Bishop Bagaforo.
Taong 2018, may sampung Obispo ang itinalaga ni Pope Francis sa Pilipinas at ngayong 2019 itinalaga rin ang mga bagong Obispo kabilang na sina Bishops-elect Rex Alarcon sa Daet at Marvyn Maceda sa San Jose de Antique.
Sa kabila nito, may 9 pa ring diyosesis ang nanatiling walang nangangasiwang Obispo kabilang na ang Jolo, Sulu; Butuan; Iligan; Isabela, Basilan; Malolos, San Jose Occidental Mindoro; Taytay at Military Ordinariate.