207 total views
March 13, 2020-11:26AM
Nagpahatid ng kanyang pagbati at pakikiisa ang dating arsobispo ng Maynila na kasalukuyang nasa Roma, Italya para sa lahat ng mga Filipino na nagdurusa dulot na rin ng banta ng Corona Virus Disease o COVID 19.
Sa mensahe ng Kaniyang Kabunyian Luis Antonio Cardinal Tagle-Prefect of the Congregation for the Evangelization of Peoples’, nawa ay manaig sa bawat Filipino ang kabutihan ng loob sa gitna ng na krisis.
“Ipakita ng Filipino na sa krisis lumalabas ang marangal at maganda sa atin,” ang panawagan ni Cardinal Tagle sa inilabas na video ng Pontificio Collegio Filippino.
Lalu’t kasabay ng kinakaharap na hamon ay ang paggunita rin ng Kwaresma- ang paghahanda sa paggunita ng kamatayan at muling pagkabuhay ni Hesukristo.
Ayon kay Cardinal Tagle, katulad ng hinihingi ng ating pananampalataya-ang pag-aayuno tulad ng pagwawaksi sa hindi mahahalaga; pagkakawanggawa sa kapwa-hindi panlalamang at ang pananalangin-ang pagtitiwala at pagsunod sa kalooban ng Diyos.
PILIIN ANG MAHALAGA, HUWAG MAGSAMANTALA
“Piliin kung ano talaga ang mahalaga at mag-ayuno. Bitawan ang hindi talaga mahahalaga. Ikalawa po ay kawanggawa. Alam ko marami talaga ang nagpa-panic at meron din naman na pinagsasamantalahan ang pagkakataon na kumita pa para sa pangangailangan ng iba. Sana po kung mayroon ka magbahagi. Kung may kapwa na wala ng mabili, pagkain, tinapay o anuman na mayroon ka naman…magbigay, at ang ikatlo po ay prayer, kahit ang dunong ng tao kahit na ang naabot ng siyensya meron ka lang limitasyon. Ang panalangin ay pagkilala sa Diyos na umuuwi sa pagpapaubaya sa Kaniya,” ayon pa sa mensahe ni Cardinal Tagle.
Umaasa din ang dating arsobispo ng Maynila na nawa ang krisis na dulot ng COVID 19 ay maipakita ng mga filipino ang kagandahan at pagiging marangal.
TAKOT NA MAG-UDYOK SA PAGKILOS
Nakikiisa rin Cardinal Tagle sa sambayanang Filipino maging sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) na patuloy na nangangamba lalu’t idineklara na rin ng World Health Organization (WHO) ang COVID 19 bilang ‘Pandemic’.
“Nakikiisa po kami sa inyong lahat sa pangamba, gayundin sa pagasa sa gitna nitong pinagdadaanan sa buong mundo na pagkalat ng novel corona virus. Pakiusap po sa lahat na bagamat natural lamang na matakot, mangamba hindi po sapat na tugon ang takot lamang.”
Ayon kay Cardinal Tagle nawa ang takot ay mag-udyok sa bawat isa na kumilos at tumugon sa hinihingi ng pagkakataon.
Hinimok pa ng dating arsobispo ng Maynila na sundin ang panuntunan na ipinatutupad ng pamahalaan gayundin ang simbahan para sa kaligtasan ng mas nakakarami.
Kabilang na dito ang malimit na paghuhugas ng kamay, pagtatakip ng ilong at bibig tuwing babahing o uubo at pagsusuot ng facemask kung may karamdaman.
Ang mga hakbang na ito ay upang hindi maging dahilan na makahawa ng kapwa.
“Ito po ay ilagay sa isip at isagawa. Hindi lamang takot kundi pagkilos,” ayon pa sa Cardinal na kasalukuyang nasa Italya kung saan ipinapairal ang lockdown ang buong bansa dahil sa COVID 19.
Sa Pilipinas, ipatutupad ang community quarantine sa buong Metro Manila na magsisimula sa ika-15 ng Marso hanggang sa ika-14 ng Abril.