17,821 total views
Sisikapin ng bagong rektor at kura paroko ng Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno – St. John the Baptist Parish na isabuhay ang mga halimbawa ni Hesus upang makita ng mananampalataya ang mukha ni Hesus Nazareno.
Ayon kay Fr. Ramon Jade Licuanan bilang dambanang dinadalaw ng mga perigrino mula sa iba’t ibang antas ng lipunan ay mahalagang higit na maipakikita bukod sa imahe ng Nuestro Padre Jesus Nazareno na nakadambana sa Quiapo Church si Hesus sa bawat taong nakakasalamuha.
Batid ng pari na kinakalinga sa Quiapo Church ang mga malilit at kadalasang naisasantabi ng lipunan, mga pinanghihinaan, lalo na ang mga may karamdaman.
“Ang hangarin ko sa paglilingkod dito sa Quiapo Church ay makita ang mukha ni Hesus hindi lamang doon sa imahe ng Jesus Nazareno kundi sa mga taong nakapaligid at sa mga pangyayari upang maipadaloy ang pagmamahal sa paglilingkod kay Hesus,” pahayag ni Fr. Licuanan sa panayam ng Radio Veritas.
Naniniwala si Fr. Licuanan na sa tulong ng mga deboto ng Jesus Nazareno ay magagampanan ang gawaing pagpapastol na iniatang ng simbahan sa kanyang ministry bilang pari.
Nitong March 25 kasabay ng pagdiriwang sa Dakilang Kapistahan ng Pagpapahayag ng Mabuting Balita tungkol sa Panginoon ay pormal na iniluklok ang pari bilang bagong rektor at kura paroko ng dambana sa ritong pinangunahan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula.
Nagbigay naman ng homiliya ang dating rektor at kura paroko ng Quiapo Church na si Balanga Bishop Rufino Sescon, Jr. kung saan pinaalalahanan nito si Fr. Licuanan na patuloy magpahayag na may pagkiling sa mga maliliit, may patotoo, at may pagmamalasakit.
Ngayong Jubilee Year sa temang Pilgrims of Hope inaanyayahan ni Fr. Licuanan ang mananampalataya na dalawin ang basilica at pambansang dambana at tingnan ang mukha ni Jesus Nazareno na nakatingala bitbit ang krus na tanda ng pagbangon sa anumang hamong kinakaharap sa buhay.
“Tingnan ninyo ang mukha ni Jesus Nazareno na bagamat nakaluhod ay nakatingala ipinapakita ang pagbangon. Ito ay isang mensahe ng pag-asa na bumangon tayo, tumingala bitbit ang ating mga krus, ang ating mga suliranin dahil kasama natin ang Panginoon sa pagbangon, paggaling, pakikipagkasundo at sa marami pang hamong ating kakaharapin,” ani Fr. Licuanan.
Bukod kay Cardinal Advincula dumalo rin sa installation sina Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara na naging formator noon ng pari sa seminaryo, Caceres Archbishop Rex Andrew Alarcon na kasamang naglilingkod sa mga kabataan sa pamamagitan ng Episcopal Commission on Youth ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines at Bishop Teodoro Bacani Jr. na naging tagapaghubog noon sa mga komunidad na kinabibilangan.