134 total views
Hinamon ng pinuno ng Diyosesis ng Tagbilaran ang mga mananampalatayang makilahok sa nalalapit na halalan na ipakita ang pagmamahal sa Panginoon sa pamamagitan ng pagpili ng wastong kandidato.
Sa pagninilay ni Bishop Alberto Uy sa mga aklat ni Sirac kabanata 15 talata 15 hanggang 20, inihayag nito ang paggawad ng Diyos ng malayang pagpapasya sa bawat tao sa mundo kaya’t mahalagang ipakita ito sa halalan sa ika – 13 ng Mayo.
“This time special opportunity nato nga ipakita ang atong gugma sa Ginoo ug ang atong paghigugma sa kaayo [ipakita natin ang ating pagmamahal sa Diyos at pagmamahal sa kabutihan]. Nindot ni nga pulong sa Diyos magpahinumdom nato nga kita gawasnon [Ito’y magandang Salita ng Diyos dahil pinaalalahanan tayo sa pagiging malaya], the decision is ours kung gusto ba ta nga molambo atong nasod nga kita ang mohukom [kung nais nating umunlad ang ating bansa tayo ang magpapasya],” bahagi ng pagninilay ni Bishop Uy.
Paliwanag ng Obispo, dahil sa dakilang pag-ibig ng Panginoon sa sangkatauhan hangad nito ang kabutihan ng nakararami at hinikayat ang bawat isa na layuan ang kasamaan.
Iginiit ni Bishop Uy na ang tao ay espesyal na likha ng Diyos na binigyan ng kalayaang pumili sa mga nanaisin sa buhay subalit marapat na nakasusunod sa kalooban ng Panginoon ang bawat pagpapasiyang gagawin.
Bukod dito, dapat isinaalang – alang ng mahigit sa 60 milyong botante ang pagpili batay sa moralidad ng buhay; sa mga kandidatong tiyak na magtataguyod at magtatanggol sa buhay ng mamamayan, pagpapaunlad sa lipunan at inuuna ang kapakanan ng mga Filipino.
Inaasahan din ng Simbahang Katolika ang sektor ng kabataan na binubuo ng 20 milyong botante na maging matalino sa pagpili ng mga lingkod bayan sapagkat dito nakasalalay ang kinabukasan ng bansa at ng mga susunod na henerasyon.
Inilunsad naman ng Arkidiyosesis ng Maynila ang kampanyang ‘One Godly Vote’ na layong itanim sa kamalayan ng mga botante na dapat isaalang–alang ang mga kautusan ng Panginoon sa pagpili ng mga lingkod bayan.
Sa isang pahayag ni Manila Archbishop Cardinal Luis Antonio Tagle sinabi nitong kung nababatay sa kalooban ng Panginoon ang pulitika sa bansa, ay tiyak makakamit ang tunay na adhikain ng pulitika; ang pangangalaga sa pamayanan at pagsusulong ng kapayapaan at pagkakaisa ng mamamayan.