318 total views
July 15, 2020, 12:17PM
Muling nagpaalala ang opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa mamamayan na patuloy na mag-ingat sa nakahahawang coronavirus disease.
Nanawagan si Rev. Fr. Dan Cancino, MI, Executive Secretary ng CBCP Episcopal Commission on Health Care na pairalin ang pagmamahal at hindi ang takot sa pag-iingat na madapuan ng nakamamatay na sakit.
Inihayag ng Pari na hindi maaring maging dahilan ang takot sa pagsunod sa mga alituntunin na inilalabas ng pamahalaan at ng sektor na kalusugan sa halip ay dapat pairalin ang pagmamahal sa kapwa, sa pamilya, at sa bansa.
“Balik tayo sa sinabi ni Hesus at sulat ni San Juan, ang sabi niya “Love cast out all fear” -Yung pag-ibig at malasakit natin at pakikiisa; gagawin ko to magsusuot ako ng mask, maghuhugas ako ng kamay, at susunod ako sa patakaran dahil mahal ko ang pamilya ko. Hindi kasi puwedeng susunod tayo kasi takot tayo dahil may hanganan ang takot. Ipapalaganap natin ay ang mensahe ng pag-ibig at kahagalagan ng relasyon ng pamilya at kalusugan.”pahayag ni Fr. Cancino sa Radyo Veritas
Ipinaalala ni Father Cancino sa lahat na ipalaganap ang mensahe ng pag-ibig, relasyon ng pamilya at ang kahalagahan ng kalusugan upang maunawaan ng tao ang kahalagahan ng pag-iingat.
“Ikumpara rin natin sa ibang bansa, madaming bansa ang hindi nag-lock down dahil napababa nila ang kaso dahil ang ginamit nila ay disiplina. Disiplina na nakaugat sa pagmamahal sa bayan, sa Simbahan, sa Diyos, at sa Kapwa. Kapag iyun ang mensahe natin, pangmatagalan ‘yun at more sustainable kumpara sa fear.” dagdag pa ng pari.
Kaugnay ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19, ilang malalaking ospistal naman sa Metro Manila ang nagdeklara nang “full capacity” para sa mga pasyente ng COVID-19.
Nag-anunsyo nitong linggo ang Asian Hospital and Medical Center, The Medical City, Our Lady of Lourdes Hospital, at National Kidney and Transplant Institute (NKTI) na puno na ang kanilang mga pasilidad at wala na silang kakayahan para tumanggap ng mga COVID patients.
Mananatili namang bukas ang mga naturang ospital na tumanggap ng mga out-patient at non-COVID cases.