268 total views
Mga Kapanalig, hindi na lamang Covid-19 ang mabilis na kumakalat ngayong nasa gitna tayo ng pandemya.
Sa panahon kung saan isang click at ilang scroll lang sa gadget na may internet connection, napabibilis na rin ang pagkalat ng iba’t ibang mga impormasyon. Lumikha ito ng tinatawag ng World Health Organization (o WHO) na ”infodemic”. Tumutukoy ang infodemic sa mabilis na pagdami ng impormasyon sa loob ng maikling panahon dahil sa isang partikular na insidente, katulad ng kasalukuyang pandemya. Ang mga impormasyong ito ay maaaring accurate o tama o kaya naman ay mali o nakalilinlang. Sa isang banda, nakatutulong ang infodemic upang punan ang wala o kulang na impormasyon tungkol sa isang bagay, ngunit sa kabilang banda, nakapipinsala ito lalo’t hindi na nasasala ang kalidad ng mga lumalabas na impormasyon sa publiko.
Pinalalalâ ng infodemic ang pandemya dahil nahihirapan ang mga tao, awtoridad, at health workers na makakuha ng mapagkakatiwalaan at maaasahang impormasyon sa tuwing kailangan nila ito upang gumawa ng mahalagang desisyon. Sa usapin ng Covid-19, nakikita ang social media bilang pangunahing dahilan sa likod ng pagkalat ng maling impormasyon at kaalaman tungkol dito. Naroon kasi ang mga content, posts, at news articles na nakararating sa milyun-milyong tao nang hindi sumasailalim sa maayos na pagsisiyasat. Hindi nasasala kung alin ang tama at maling impormasyon. Ayon sa isang pag-aaral na lumabas sa American Journal of Tropical Medicine and Hygiene, ang mga haka-haka at conspiracy theories na may kinalaman sa Covid-19 ay nagdudulot ng kawalan ng tiwala ng mga tao sa mga medical professionals. Nakaaapekto naman ito sa paghahanap ng mga tao ng siyentipikong lunas gaya halimbawa ng Covid-19 testing at pagbabakuna. Ipinakita sa pag-aaral na ang mga impormasyong walang siyentipikong basehan ay pumipigil sa mga taong makapagdesisyon nang tama at batay sa siyensiya. Inilalagay ng maling impormasyon sa alanganin ang kalusugan ng publiko,lalo na kung mas nabibigyan ito ng pansin kaysa sa mga scientific data.
Kinilala maging ni Pope Francis ang problemang dulot ng infodemic. Sa isang pahayag noong huling linggo ng Enero, sinabi niyang ang pagkakaroon ng access sa impormasyong tama at nakabatay sa siyentipikong datos ay isang karapatang pantao na dapat tiyaking nakakamtan ng mga taong walang kakayahang malaman ang totoo sa hindi, katulad ng mga nasa laylayan at mga bulnerable. Binigyang-diin ni Pope Francis na kailangang magtulungan tayong iwasto ang mga maling impormasyon at balita, at magbahagi lamang ng tama at totoo habang inuunawa ang mga nabibiktima ng maling impormasyon dahil maaaring hindi nila alam na may mali sa kanilang nababasa at pinaniniwalaan. Nakasaad sa mga panlipunang turo ng Simbahan na ang impormasyon—lalo na ang nanggagaling sa media—ay dapat naaayon sa common good o kabutihang panlahat dahil ang lipunan ay may karapatan sa impormasyong batay sa katotohanan, katarungan, at pagkakaisa.
Mga Kapanalig, tandaan natin ang paalala ng Santo Papa: lahat tayo ay may pananagutan para sa mga komunikasyong ginagawa natin, para sa impormasyong ibinabahagi natin, para sa kontrol na maaari nating gawin sa fake news sa pamamagitan ng paglalantad ng mga ito. Lahat tayo ay dapat maging saksi ng katotohanan. Hindi maikakailang sa mga impormasyong nababasa natin nakabatay ang mga desisyon natin sa araw-araw. Ang mga ito ang humuhubog sa ating buhay, kaya dapat lang na gawin natin ang ating responsibilidad na maging mapanuri. Hanapin, igalang, at itaguyod ang tama at totoo. Sa panahon ng pandemya, kaliwanagan, hindi kalituhan, ang kailangan nating lahat upang mapagtagumpayan ang krisis na ito. Sabi nga sa Juan 8:32, “ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” Magagawa nating lumaya sa anumang krisis kung iyon lamang totoo at tama ang pinaniniwalaan at ibinabahagi natin.