631 total views
Hinimok ni Palo Archbishop John Du ang mananampalatayang kinumpilan sa Archdiocese ng Cebu na patuloy ipalaganap sa lipunan ang kristiyanismo.
Ito ang bahagi ng pagninilay ng arsobispo sa isinagawang mass confirmation bilang bahagi ng pagdiriwang sa ikalimang sentenaryo ng kristiyanismo sa bansa.
Ayon kay Archbishop Du, pinagtitibay sa sakramento ng kumpil ang pananampalatayang kristiyano na tinatanggap sa sakramento ng binyag.
“Our dear confirmands, you are also challenged to be missionaries; The zeal in Christianity continues to spread. It is flourishing and it is being strengthened by this Confirmation,” bahagi ng homiliya ni Archbishop Du.
Ang pagkumpil sa 100 kabataan ay bahagi ng triduum celebrations para gunitain ang ikalimandaang taon ng unang binyag na naganap sa lalawigan noong Abril 1521.
Ginanap ang mass confirmation sa National Shrine of Saint Joseph sa Cebu kung saan katuwang ni Archbishop Du sina Cebu Archbishop Jose Palma at Auxiliary Bishop Midyphil Billones.
Hamon pa ng arsobispo sa mananampalataya na magbalik tanaw sa nakalipas na 500 taon kung paano tinanggap ng mga ninuno ang kristiyanismo upang maunawaan ang pagiging mabuting katiwala sa kasalukuyang panahon.
Umaasa si Archbishop Du na higit payabungin ng mga tumanggap ng sakramento ng kumpil ang pananampalatayang kristiyano at patuloy na ibahagi sa kapwa.