29,021 total views
Ipinapanalangin ng kinatawan ng Santo Papa sa Pilipinas na higit pang mag-alab at yumabong ang pananampalataya ng bawat Kristiyano at ipalaganap ang pag-ibig ni Kristo.
Ito ang pagninilay ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown sa Banal na Misa at pagtatalaga sa bagong Altar ng Cathedral-Shrine and Parish of the Good Shepherd o Novaliches Cathedral sa Fairview, Quezon nitong Nobyembre 30.
Ayon kay Archbishop Brown, ang mga simbolong nasaksihan sa ritu ng pagbabasbas sa Altar ay sumasalamin sa pananampalatayang Kristiyano at paanyaya upang higit pang ipalaganap sa bawat isa.
“Everything that happens tonight is designed to teach you who you are as a follower of Jesus. It’s a design to show you your dignity as a Christian, as a Catholic. Everything that we do tonight is teaching you about who you are. And that is why it’s so symbolic and so rich,” bahagi ng pagninilay ni Archbishop Brown.
Isinagawa sa makasaysayang pagdiriwang ang pagbabasbas at pagwiwisik ng banal na tubig sa mga mananampalataya at bagong gawang altar bilang simbolo ng pagpapatawad sa mga nagawang kasalanan at pag-aalala sa sakramento ng Binyag.
Matapos naman ang pagpapahayag ng Salita ng Diyos at pagninilay ay isinagawa ang paglalagak ng relikya ni Sta. Maria Goretti sa altar bilang sagisag ng pakikilakbay ng simbahan upang tularan ang naging buhay at kabanalan ng mga Santo bilang pagtalima kay Kristo.
Sinundan ito ng pagpapahid ng Krisma o langis na may pabango kung saan ang halimuyak nito’y nag-aanyaya upang higit na madama at ipalaganap ang pag-ibig at pagpapala ng Diyos sa bawat isa.
“We are annointed by Christ and the Chrism has a beautiful signifance. It has a perfume in it… We are always Christians and we always should be. As St. Paul tells us spreading the fragrance of Christ around us so people sense even without our speaking, without us saying anything, we can say almost they can smell the fragrance of Christ in the way we live. They can sense Christ in us. That is the significance of Chrism. How important, how beautiful that is,” ayon kay Archbishop Brown
Pagkatapos pahiran ng Krisma ay ininsensuhan ang altar na paliwanag ni Archbishop Brown ay sumisimbolo sa mga panalangin ng mananampalataya; at huli ay ang paglalagay ng puting tela at mga kandila bilang tanda ng kalinisan at liwanag mula sa Diyos.
Dalangin naman ng arsobispo na ang mga simbolong ito’y magbunsod sa mga mananampalataya upang higit na mapatatag ang pananampalataya at kilalanin ang sarili bilang mga tagasunod ni Kristo.
“That is my prayer for all of us this evening that we will have all of these things happen to us in our Catholic lives that we will be people of prayer, that we will spread the fragrance of Christ, that we will shine with His beautiful holiness and love for our brothers and sisters. Everything that happens tonight is designed to show you your dignity as a Christian,” saad ni Archbishop Brown.
Samantala, katuwang naman ng Apostolic Nuncio sina Novaliches Bishop Roberto Gaa; Novaliches Bishop-emeritus Teodoro Bacani, Jr.; Cubao Bishop Honesto Ongtioco; Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo; at Alotau-Sideia, Papua New Guinea, Filipino Bishop Rolando Santos.
Mayo 2023 nang simulan ang major renovation ng katedral bilang paghahanda para sa pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag bilang parokya sa 2025.
Agosto 5, 1975 nang itatag ng noo’y Arsobispo ng Maynila Jaime Cardinal Sin ang Parish of the Good Shepherd at itinalaga si Msgr. Fidelis Ruben Limcaco bilang unang kura paroko.
Sa pamamagitan naman ng papal bull ni Pope John Paul II ay itinatag noong Disyembre 7, 2002 ang Diyosesis ng Novaliches kung saan hinirang noong Enero 6, 2003 si Bishop Bacani bilang unang obispo ng Diyosesis, habang nagsilbing unang rektor si Msgr. Jesus Romulo Ranada.
Matapos ang pagreretiro ni Bishop Bacani, hinirang naman noong Nobyembre 25, 2003 bilang ikalawang obispo si Bishop Antonio Tobias, Jr.
Nagretiro si Bishop Tobias noong Hunyo 6, 2019, at humalili bilang ikatlo at kasalukuyang obispo si Bishop Gaa katuwang si Fr. Antonio Labiao, Jr. bilang rektor at kura paroko ng katedral.