42,019 total views
Hinihikayat ng opisyal ng social arm ng Archdiocese of Manila ang bawat isa na isama sa pananalangin ang pagkakaroon ng ganap na kapayapaan sa mundo.
Ito ang bahagi ng mensahe ni Caritas Manila Executive Director Fr. Anton CT Pascual sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria.
Ayon sa Pari na siya ring pangulo ng Radyo Veritas – Ang Radyo ng Simbahan, ang Dakilang Kapistahan ng Inmakulada Conception ay isang dakilang araw upang gunitain ang pagpapala at pagsasakatuparan ng Panginoon sa pangakong kaligtasan sa sangkatauhan ng mapili ang Mahal na Birheng Maria upang maging Ina ng Manunubos.
“Isang dakilang araw para sa ating mananampalataya sa ating paggunita at pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria, Inmakulada Conception. Tayo po’y mapalad na isa sa lahi natin ay pinili na maging Ina ng Manunubos. Isang pagpapala sa ating lahat isang misyon isang pakikiisa sa pagliligtas ng Diyos.” Ang bahagi ng pahayag ni Fr. Pascual sa Radyo Veritas.
Paliwanag ng Pari ang pagkakaroon ng tigil putukan at pananaig ng kapayapaan ang maituturing na isang tunay na paghahanda para sa pagdating ni Hesus na siyang Prinsipe ng Kapayapaan.
Bukod sa patuloy na mga kaguluhang nagaganap sa iba’t ibang panig ng daigdig ay partikular ding ipinalangin ni Fr. Pascual ang kapayapaan sa rehiyon ng Mindanao.
Nawa ayon sa Pari ay masumpungan ng bawat isa ang biyaya ng pagbabalik-loob upang tuluyan ng mawakasan ang nagaganap na kaguluhan at sagupaan at magkaroon na ng ganap na kapayapaan at pagkakaisa sa daigdig.
“Tunay na paghahanda sa pagdating ng prinsipe ng kapayapaan. Tigil putukan sa lahat ng lupalop ng daigdig lalong lalo na sa Gitnang Silangan at Europa. At sa ating bansa din sa ka-Mindanaoan nawa’y tunay na maghari ang prinsipe ng kapayapaan. At upang maging karapat-dapat tayo sa grasya ng araw na ito, hingi natin ang biyaya ng pagbabalik-loob.” Dagdag pa ni Fr. Pascual.
Sa liturgical calendar ng Simbahang Katolika, ang December 8 ay isang mahalagang araw bilang Dakilang Kapistahan ng Inmakulada Conception na nangangahulugan na ipinaglihi si Maria ng kanyang ina na si Santa Ana na walang bahid ng orihinal na kasalanan.
Ang Kapistahan ng Immaculada Concepcion ay isang holy day of obligation sa mga Katoliko kaya’t hinihikayat ang bawat isa sa pagsisimba.