45,500 total views
Mga Kapanalig, nag-trending noong isang linggo sa social media ang panawagang bigyan ng zero budget ang Office of the Vice President. Ito ay matapos ang mainit na pagdinig ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa budget ng OVP para sa susunod na taon.
Sa pagdinig, panay ang pag-iwas ni Vice President Sara Duterte sa mga tanong ng mga kongresista. Umpisa pa lang, sinabi na niyang hindi niya didepensahan ang kanyang budget sa pamamagitan ng question-and-answer format. Buwelta naman ni Congresswoman Stella Quimbo ng Marikina, ang presiding officer ng pagdinig, isa sa pinakamahalagang batas na sinusuri ng Kongreso taun-taon ang General Appropriations Act (o GAA). Ang GAA ang batas na nagpapahintulot sa paggamit sa kaban ng bayan, kaya’t kasama sa trabaho ng mga mambabatas na suriin ang budget ng mga ahensya.
Nasanay siguro ang ating pangalawang pangulo na, gaya noong nakalipas na dalawang taon, inaaprubahan ang budget ng kanyang opisina nang walang pagtatanong. Noong isang taon, wala pang labinlimang minuto ay aprubado na ang OVP budget. Ngunit tila nagbago na ang ihip ng hangin sa Kongreso. Binubusisi na ng mga kongresista ang pondong hinihiling ng OVP, at dapat lang naman.
Inungkat sa pagdinig ang notice of disallowance na inilabas ng Commission on Audit (o COA) sa 73 milyong pisong bahagi ng 125 milyong pisong confidential funds ng OVP noong 2022. Sa madaling salita, may iregularidad sa naging paggamit ng OVP ng budget nito. Kung mapatutunayang hindi tama ang naging paggastos ng opisina, dapat nitong ibalik ang nasabing pondo. Humingi ng paliwanag ang ilang kongresista tungkol dito, ngunit iginiit ni VP Sara na nakipag-ugnayan na sila sa COA.
Hindi ikinatuwa ng mga kongresista ang paulit-ulit na pagtanggi ni VP Sara na magpaliwanag tungkol sa budget ng OVP. Para kay Alliance of Concerned Teachers Party-list Representative France Castro, mali ito. Karapatang malaman ng publiko kung paano ginagamit ng isang ahensya ng gobyerno ang pondong ipinagkatiwala rito. Sagot naman ni VP Sara, “one-sided” daw ang mga kongresista. Kinuwestyon pa niya ang kredibilidad ni Represenative Castro. Paliwanag naman Representative Bienvenido Abante ng Maynila, ang pagdinig ay tungkol sa budget ng OVP. Hindi raw maaaring magtanong ang VP bilang resource person na dapat ay nagpapaliwanag tungkol sa panukalang budget ng kanyang opisina. Matapos ang limang oras na pagdinig, hindi naaprubahan ang budget. Ipagpapatuloy ito sa susunod na linggo.
Kinikilala ng ating Simbahan ang prinsipyo ng hatian ng kapangyarihan (o separation of powers) sa pamamahala. Ibig sabihin, mahalaga ang pagbabalanse sa kapangyarihan ng mga sangay ng pamahalaan. Magagawa ito kung matatag ang sistema ng checks and balances kung saan binabantayan ng mga sangay ng pamahalaan ang isa’t isa. Sa ganitong paraan, iiral ang batas, hindi ang kapritso ng mga nakaupo sa puwesto. Kung mangingibabaw ang batas, mas napapanagot ang mga lingkod-bayan sa kanilang mga desisyon at mga ginagawa.
Malaking hamon kung ang mga lingkod-bayang katulad ni VP Sara ay tumatangging ipaliwanag kung paano nila ginagamit ang kaban ng bayan. Hindi nakatutulong ang pag-iwas niya sa pagtatanong ng mga kongresista na bahagi ng checks and balances. Tungkulin ng Kongreso na magsilbing guwardya ng taumbayan sa paggamit ng pera natin.
Mga Kapanalig, ayon nga sa Catholic social teaching na Centesimus Annus, “Authentic democracy is possible only in a State ruled by law.” Sa madaling sabi, kung hindi nangingibabaw ang batas, ang kapangyarihan ay wala sa taumbayan kundi nasa kamay ng iilan. Ipinangako ng Diyos sa Isaias 49:25, “ililigtas [Niya] ang mga bihag ng makapangyarihan.” Kaya huwag tayong magpabihag sa mga makapangyarihan, lalo na sa mga walang pakialam sa interes ng publiko. Subaybayan natin ang susunod na pagdinig sa budget ng OVP.
Sumainyo ang katotohanan.