499 total views
Ang nakatakdang paggunita ng Prison Awareness Week ay isang opurtunidad upang maipaalala ng Simbahan sa bawat isa na ipanalangin ang kapakanan, pagbabago at pagbabalik-loob ng mga bilanggo sa buong bansa.
Ito ang paalala ni San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari – Chairman of CBCP Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education kaugnay sa nakatakdang paggunita ng Prison Awareness Week sa ika-23 hanggang ika-29 ng Oktubre 2017.
Pagbabahagi ng Obispo, dapat na maintindihan ng bawat isa na sa kabila ng mga nagawang kasalanan ng mga bilanggo ay mas nararapat pa silang ipanalangin upang ipagkaloob ng Panginoon ang kapatawaran sa kanilang mga nagawang kasalanan at maging daan upang sila ay makapagbagong buhay.
“Pagdiriwang po natin yung Prison Awareness Week ito po ay napakahalaga para sa ganun ay maalala yung mga prisoners po natin, mga kapatid na madalas ay nakakaligtaan po natin yung Simbahan ay binibigyan tayo ng pagkakataon para mabisita at maalala sila sa ating mga pang-araw-araw na pagdadasal, yung isang mahalagang bagay po siguro na maintindihan natin na itong mga kapatid nating ito ay nangangailangan ng pagbabago at ipagdasal po natin sila at naniniwala po tayo na walang imposible sa Diyos…”pahayag ni Bishop Mallari sa panayam sa Radio Veritas.
Sa panlipunang katuruan ng Simbahan, ang bilanguan ay dapat na magsilbing pansamantalang tuluyan ng mga naligaw ng landas sa lipunan at nararapat na maging daan sa muling pagbabalik ng kabutihan sa puso at isip ng mga nagkasala.
Sa kabila nito batay sa tala kasalukuyan aabot na sa higit 100-libo ang bilang ng mga bilango sa higit 400 kulungan ng BJMP sa buong bansa na nakalaan lamang para sa 26-na-libong inmates.
Lumalabas na halos 80-porsyento ng mga bilanggo sa bansa ay labis sa kapasidad ng mga kulungan.