198 total views
Umaapela ng panalangin ang Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Youth para sa tagumpay at pagiging mabunga ng nakatakdang National Youth Day na isasagawa sa ika-6 hanggang ika-10 ng Nobyembre sa Zamboanga City.
Ayon kay Rev. Fr. Conegundo Garganta, Executive Secretary ng kumisyon, layunin ng pagtitipon na mapalalim ang pananampalataya at pananalig sa Panginoon sa pamamagitan ng pagpapalawak sa karanasan ng mga kabataan.
“Ang ating hiling sa lahat ng nakikinig, isama niyo sa panalangin ang ating whole Archdiocese ang Archdiocese of Zamboanga para maging mabunga at tunay na may malalim na magiging mapupulot na karanasan ang mga kabataan tutungo dito sa buwan ng Nobyembre sa taong ito from all the 86 dioceses and from the Federation of National Youth Organization…” pahayag ni Rev. Father Conegundo Garganta sa panayam sa Radio Veritas.
Inaasahang aabot sa 3,500 ang mga delegadong makikiisa sa nakatakdang pagtitipon mula sa 86 na mga diyosesis sa buong bansa at sa Federation of National Youth Organizations.
Kaugnay nito umaasa rin ang Pari na mahuhubog ang buong tapang at paninindigan ng mga kabataan sa pagsaksi at pakikiisa sa anumang hamong kinahaharap ng pananampalatayang Katoliko sa kasalukuyang panahon.
Matatandaang una na ding tiniyak ni Father Garganta ang seguridad at kaligtasan ng mga delegado katuwang ang Archdiocese of Zamboanga sa pangunguna ni Archbishop Romulo Dela Cruz na host ng pagtitipon partikular na sa gitna ng patuloy na pag-iral ng Martial Law sa rehiyon ng Mindanao.