2,004 total views
Ito ang mensahe ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco sa mga guro, school administrators, legal guardians at mga estudyante sa pagsisimula ng school year 2023-2024 sa mga pampublikong paaralan ngayong August 29, 2023.
Ayon sa Obispo, bagamat hindi lahat ng mag-aaral ay katoliko ay nagkakaisa naman ang mga relihiyon na sa paraan ng pagdarasal ay naipaparating sa Diyos ang mabubuting hangarin at kahilingan.
“Nakikita niyo kahit papaano ay nalampasan natin yung 2022-2023, bakit? nagdasal tayo, tumawag tayo sa Diyos, hindi natin alam kung ano ang haharapin natin pero nakalipas tayo, nahaharap natin yung ibang mga challenges,” ayon sa panayam ng Radio Veritas.
Tiwala din si Bishop Ongtioco na sa bisa ng taimtim na pananalangin ay magiging handa ang bawat mag-aaral na magkaroon ng karagdagang lakas ng loob upang harapin ang mga hamon sa school year 2023-2024.
Ito ay sa tuluyang panunumbalik ng face-to-face classes ngayong taon na maari pa ring mahaluan ng mga modular at online hybrid learning kung saan marami sa mga mag-aaral ang nakakaranas ng mental health problems.
“Pero lahat yan kayang kaya kung marunong tayong magdasal, tumawag sa Diyos ang panalangin hindi para sa katoliko lang, it’s for all, even the Muslims they pray, ang mahalaga humihingi tayo ng tulong sa Diyos,” ayon pa sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Ongtioco.
Sa datos ng Department of Education, umaabot pa lamang sa 22.8-milyon ang bilang ng mga mag-aaral sa parehong mga pampubliko at pribadong paaralan na mababa sa 28-milyon noong nakalipas na taon ng pag-aaral.
Naunang mensahe ng CBCP-Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education sa mga guro, estudyante, kawani ng paaralan, magulang o legal guarding at stakeholders ng sektor ng edukasyon ang patibayin ang pagkakaisa upang sama-samang matugunan ang suliranin at maging matagumpay ang School Year 2023 to 2024.